Hindi natin kailangan ang TIME Magazine para ideklara ang alam na ng marami: si Maria Ressa ang isa sa pinakamatapang na mamamahayag sa mundo.
Pero magandang balita pa rin ang pagtatanghal sa kanya bilang Person of the Year,kasama ng iba pang mga journalists na nagpakita ng tapang, gilas ang paninindigan.
Tinagurian silang The Guardians ng TIME.
Patay na ang isa sa kanila: si James Kashoggi ng Washington Post, ang kolumnistang walang- awang pinaslang sa loob ng konsulado ng Saudi Arabia sa Turkey.
Kasama rin sina Wa Lone at Kyaw Soe Oo ng Reuters na inaresto sa Myanmar matapos nilang ibunyag ang pagpatay sa mga Rohingya Muslims.
Pinarangalan din ang staff ng Capital Gazette, isang maliit na pahayagan sa Annapolis, Maryland. Noong Hunyo, sa gitna na matindi at walang saysay na pag-atake ng mga pulitiko sa media ng Amerika, sinalakay ang opisina ng Gazette ng armadong lalaking galit sa media. Lima ang patay. Sa kabila nito, nagpatuloy ang pahayagan.
Dapat lang ipagmalaki ng bawat Pilipino na kasama sa grupong ito ang isa sa atin, ang isang Pilipino.
Bago pa man ang parangal ng Time, kahanga-hanga ang mga naging kontribusyon ni Maria Ressa sa pamamahayag.
Una siyang naging kilala bilang reporter sa Pilipinas at sa Southeast Asia kung saan nag-ulat siya tungkol sa digmaan at kaguluhan sa pulitika sa ibat’ ibang bansa.
Pwede sana siyang nagpatuloy bilang international correspondent ng isang tanyag na organisasyon tulad ng CNN. Pero binalikan ni Ressa ang lahat ng natutunan niya sa pagiging journalist at itinutok ito sa Pilipinas.
Pinamunuan niya ang news division ng ABS-CBN. Noon ipinakita ni Ressa ang kanyang tapang at tatag bilang mamamahayag.
Sa isang insidenteng nakalimutan na o hindi alam ng marami sa bumabatikos sa kanya, sumulat si Ressa ng isang artikulo para sa Wall Street Journalkung saan naglatag siya ng matitinding puna sa pamumuno ni Noynoy Aquino matapos ang kapalpakan sa Luneta hostage crisis noong 2010.
Siyempre maraming nagalit kay Maria Ressa, kasama na si Pnoy. Ibig sabihin, nakabangga ng pwersang tinatawag na Dilawan ang mamamahayag nag pinagbibintangang tuta ng mga Dilawan.”
Hindi nagtagal, umalis din si Ressa sa ABS-CBN. Sa isang emailsinabi niya sa mga nakasama sa TV network: “Value and protect your editorial independence. I wish you clarity of thought, stamina, and courage to fight for what is right and avoid the compromise of mediocrity. You have taught me so much about what it means to be a Filipino.”
At sinunod niya ang sarili niyang payo.
Naging malinaw marahil kay Ressa ang mga limitasyon ng isang media organization na pag aari ng isang makapangyarihang pamilya na maraming sariling interes. Kaya humanap siya ng solusyon: nagtayo siya ng bagong organisasyon kung saan ang diin ay ang malayang pamamahayag.
Sa loob lang ng iilang taon, malinaw na ang Rappler ay isa sa mga haligi ng malaya at matapang na pamamahayag sa Pilipinas.
Pero malubak ang daan. Alam na natin ang nangyari.
Sa ilalim ng balasubas na pangulo na nag-udyok sa isang malawakang patayan, sa panahon ng presidenteng ganoon ganoon lang kung magbiro tungkol sa panggagahasa ng babae, na namumuno sa panahon ng walang pakundangang pang-aabuso sa kapangyarihan, naging tanyag na target si Maria Ressa.
Kung anu ano at walang saysay na bintang na ibinato sa kanya at sa Rappler. Walang humpay ang pag atake at pambabastos sa kanya ng mga supporters ng butangerong pangulo. Pinagbantaan siyang patayin. Sana raw ma-rape siya. Walang patid ang pang iinsulto at panalalakay sa social media.
Pero hindi natitinag si Maria Ressa. Balewala ang mga atake.
Andoon pa rin siya, nag uulat, namumuno, walang pagod na naghahanap ng paraan upang maingat ang pamamahayag sa Pilipinas at sa buong mundo. Nagpapakita ng tapang, tiyaga at gilas. At ng tiwala.
Oo, tiwala.
Ito ang mahalagang malaman lalo ng mga kabataang Pilipino.
Ang pananalig na ipinapakita ni Maria Ressa at buong pangkat ng Rappler ay tanda ng pagtitiwala niya sa inyo. Ang totoo, karamihan ng staff ng Rapper ay mga kabataan. Kuwento ng kaibigan kong si Glenda Gloria, ang managing editor ng Rappler, minsan ang hirap daw silang sabayan sa sigla at pananalig sa trabaho nila. “Hindi sila natutulog :),” sabi niya sa akin sa email.
Kaya, oo, tiwala.
Tiwala na sa kabila ng mga kabulastugan at mga kasinungalingan, ng walang humpay na kawalanghiyaan, maraming mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan, ang naniniwala pa rin at manindigan pa rin para sa malayang pamamahayag, para sa isang malaya, makatao at disenteng Pilipinas.
Visit the Kuwento page on Facebook.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING