Dear Sen. Manny,
Isa akong DDS. Pero champ, idol talaga kita kaya gusto kitang suportahan sa pagnanais mong maging presidente ng Pilipinas.
Pero bakit naman ganyan, Pacman. Walang dating ang mga banat mo. Mabagal ang mga jab. Mahina ang mga left hook. Kulang sa footwork, champ.
Halimbawa itong hirit mong gusto mong sugpuin ang korapsyon sa bansa.
Mahusay yong unang birada mo sa video message, champ. “Mga kababayan ko, nitong mga nakalipas na araw, naging mainit na usapin tungkol sa lumalalang korapsyon sa ating bansa.”
Parang medyo nanamlay lang nga ng konti sa follow up: “Hindi natin hangarin na galitin ang Pangulong Duterte, ngunit kagaya ng pangulo, pinagkatiwalaan din po ako ng mahigit na 16 million na Pilipino.”
Kaso nalusaw na ang mensahe, chong. “Huwag pa kayong magagalit sa akin Mr. President dahil tumutulong ng lamang po ako sa nais ninyong ang korapsyon.”
Senator Manny, hindi dapat ganyoon. Kelangan mas may bagsik ang mga birada, lalo na ngayon gusto mong maging pangulo ng bansa
Dapat tularan mo ang isa ko pang idol, si Presidente Duterte. Iyan ang matinik sa pangagandidato, chong. Iyan ang kailangan mo, Pacman: Diskarteng Duterte.
“Hihinto talaga ang korupsyon,” hirit ni Digong noong 2016 campaign. “Binigyan ko nga ang sarili ko, 3 months to 6 months.”
Anak ng tinapay, Senator Manny. Ganyan dapat! Birada lang sa pangako. Hirit lang ng hirit.
Bakit hindi mo tapatan at pataubin pa nga ang hirit ni Digong. Ipangako mo tatlong linggo lang tapos na ang problema ng korupsyon. Aba, ihirit mo na sa iba pang problema. Tatlong linggo lang, tapos ang problema sa ilegal na droga. Tatlong linggo lang, tapos ang COVID.
Tapos, bakit ka naman humihingi ng pag-unawa sa presidente, Pacman. Bakit sinasabi mo pang: Sana wag po kayong magalit sa akin.
Talo iyon, champ.
Kita mo si Duterte noong kandidato. Bira lang ng bira sa dating gobyerno. “Putangina itong gobyerno. It is not for the people.”
Anak ng tokwat baboy, Pacman. Ganoon dapat! Banat lang nang banat, Senator Manny.
Gaya noong pinatumba mo si Ricky Hatton ng sobrang bilis na left hook. Tulad noong pinasuko mo si Erik Morales sa mga bakbakan ninyo. Gaya noong na-TKO mo si Oscar Dela Hoya na tinawag ka pa ngang idol.
Pinahanga mo kami sa tapang at husay sa boksing. Ngayon dapat tapatan mo rin ang tapang ng apog at husay sa pambobola ni Duterte.
Kita mo naman yong pangako ni Duterte na gagawin niya kung magpatuloy ang pambubutangero ng Tsina sa West Philippine Sea.
“I will ask the Navy to bring me to the nearest boundary dyan sa Spratlys, sa Scarborough. Bababa ako, sasakay ako ng jet ski, dala-dala ko yung flag ng Pilipino, at pupunta ako dun sa airport nila, tapos itanim ko. Then I would say this is ours and do what you want with me. Bahala na kayo. I would stake that claim and if they want to–matagal ko nang ambisyon yan na maging hero din ako. Pag pinatay nila ako dun, bahala na kayong umiyak dito sa Pilipinas.”
Ang tindi noon, Senator Manny. Walang katapat na katapangan. Parang tapang na pinakita mo noong hinarap mo si Antonio Margarito bagamat mas malaki siyo. Parang lakas ng loob na ginamit mo para sagupain si Juan Miguel Marquez.
Kaso, kita naman natin, Pacman, boladas lang pala yon. Drawing lang pala. Pakwela lang pala, Senator Manny.
“Iyong bravado ko was a pure campaign joke, at kung naniniwala kayo, I would say that you’re really stupid,” sabi ni Tatay Digong.
Ganyan dapat, Senator Manny. Biruin mong sarili niyang mga supporter e tinawag niyang stupid. Kwela!
Hindi na uso ang mga pasenti senti na pahayag tulad noong sinabi mo sa video message: “Nais ko pong ipaalam sa inyong lahat kung ikaw ay may pangarap sa ating bansa na magkaroon ng kaginhawaan magkaisa po tayo. Dahil isa lang po ang hangarin natin, magkaroon at sumikat ang bagong umaga ng ating bansa.”
“Bagong umaga ng ating bansa?” Senator Manny naman. Masyadong corny. Masyado mong sineseryoso ang pagiging kandidato at pagiging nahalal na politiko. Kita ninyo naman si Duterte. Pwedeng sumabog na ang Taal Volcano na maaaring sumalanta sa maraming Pilipino, anong hirit ni Digong: “Siguro lagyan ko na lang ng cap ang butas.”
Yours truly,
Isang DDS
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING