Kilala ang administrasyon ni Duterte dahil sa patayan. Ngayon, kilala na rin sa buong mundo dahil sa kabastusan.
Patuloy ang pagdanak ng dugo. Walang katapusan ang pagpaslang sa mga mahihirap, na binabaril nang walang awa na nababalita kasama ng mga karumaldumal na retrato ng mga bangkay sa lansangan.
At ang mga tao ni Duterte? Nakukuha pa nilang magpatawa, mambastos, magpasabog ng kalaswaan, habang pinagtatanggol ang presidenteng pasimuno ng patayang walang katapusan.
Hindi rin nakapagtataka. Ganoon ang pinuno ng gobyerno niila, ang lider na tinitingala nila.
Noong kampanya pa lang pinakita na ni Duterte ang galing niya sa pambabastos, mula sa pagbibiro tungkol sa panggagahasa sa isang hostage hanggang sa pambabastos sa reporter na babae. Nasanay na rin ang bansa sa walang tigil na pagmumura at pang-aalipusta sa kahit sinong kumontra sa kanya.
‘Ganoon lang talaga si Digong,’ sabi ng mga supporter niya. ‘Kuwela lang talaga si Digong. Palabiro. Masa kung magsalita. Mahilig sa prangkahang usapan. Hindi mahilig sa worsh worsh.’
Ang problema ang depinisyon ng prangkang usapan at pananalitang pang-masa e pambabastos.
Para sa mga tao ni Digong, ito ang patakaran: ‘Iyong mga namumuna kay Digong, mga alang kwenta iyan. Paulanan lang natin ng kabastusan.’
Iyan ang diskarteng Duterte.
Noong Marso noong pinuna ng European Union ang lumalalang patayan sa Pilipinas, birada agad ni Lorraine Badoy, assistant secretary ng Department of Social Welfare and Development,: “Iyong mga taga-EU, mag-online child porn muna kayo. D’yan naman kayo magaling eh.”
Anong klaseng sagot iyan sa isang napakahalagang isyu? Kung matino kang opisyal, bakit ka bibirada nang sagot na walang kahit konting katuturan sa pinag-uusapan?
At galing iyan sa isang doktora, isang manggagamot, na isa ring mataas na opisyal ng pamahalaan ng Pilipinas na hindi makasagot nang matino sa seryosong tanong tungkol sa human rights at karahasan. At ngayon, ginawa pang undersecretary ng Presidential Communications Operations Office.
Tapos nitong mga nakaraang linggo, si Martin Andanar naman ang nagpasiklab sa kababawan at kalaswaan ng gobyerno ni Digong.
Iyong mga opisyal ng European Union na pumupuna kay Duterte? “Palaiyot,” sabi ng presidential communications secretary.
Yung mga maingay na palaiyot, ’yung mga maiingay. Alam mo, ang problema sa kanila hanggang ingay lang sila, wala namang napatunayan.”
Pero kung meron talagang nagpatingkad ng kababawan ng pamumunong Duterte, si Salvador Panelo ang panalo. Sa isang interview ng isang Swiss journalist, walang pag-aatubili at walang kahihiyang sinabi ng chief presidential counsel ni Digong: “I fuck like an 18-year-old.”
Paano gagalangin at paniniwalaan ang isang gobyernong puno ng mga taong ganito magsalita at mag-isip?
Pag bastos ang mga tao sa gobyerno, paano pa makakaasa na seryosong humanap ng sagot sa mga malalaking suliraning kinakaharap ng bansa?
Pag bastos ang mga tao sa gobyerno, paano pa makakaasa seryoso ang gobyerno?
Nakapanlulumong tanggapin ang realidad ng Pilipinas ngayon: walang humpay na patayan at walang hiyang kabastusan.
Visit the Kuwento page on Facebook.
On Twitter @boyingpimentel
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING