Hindi nagustuhan ng opisina ni Ping Lacson ang sinulat ko tungkol sa katatagan ni Leni Robredo. Narito ang buong email na pinadala sa Inquirer:
Nais po naming ituwid ang mali at mapanlinlang na interpretasyon ni Boying Pimentel sa kanyang kolum sa Inquirer.net, kung saan ay inakusahan niya si Sen. Panfilo M. Lacson na minamaliit si Bise Presidente Leni Robredo.
Ginamit na basehan ni Pimentel ang tugon ni Sen. Lacson sa isang panayam sa telebisyon kung saan sinabi niyang hindi lang busilak na puso ang kailangan para humalal ng pangulo, at kailangang may ibang katangian tulad ng katatagan (toughness).
Ang totoong mahirap intindihin ay kung paano agad inisip ni Pimentel na ang ibig sabihin ni Sen. Lacson sa toughness ay ang “nagmumura, yong pasiga siga, yong naghahanap ng away.”
Malinaw na walang sinabi si Sen. Lacson na hindi matatag si VP Robredo. Sinabi lang niya na ang katatagan ay isa sa mga katangian na kailangan sa pagiging pinuno.
At kung pinanood ni Pimentel ang panayam sa halip na basta-basta maghaka-haka, hindi na niya kailangang gumawa ng ganitong paratang kay Sen. Lacson – maliban na lang kung kailangan niyang manira ng iba para lang isulong ang sariling interes.
Sana ay napalinaw ang bagay na ito. Maraming salamat po.
Medyo nakapagtataka ang pagiging sensitive ng reaksyong ito sa sinulat ko tungkol sa pagiging matatag ni VP Leni. Maaari ngang mag akala ang iba na baka kulang sa toughness ang isang pulitikong pinagbintangan ng “stomach-churning” na human rights record ayon sa New York Times.
Subalit dapat din tayong magpasalamat sa pagkakataong ito para mas mapag-usapan pa ang walang tigil na pagmamaliit at pambabastos kay Leni Robredo.
Ang isyung ito ay hindi tungkol sa ibang pulitiko. Ito ay tungkol kay Robredo. Ito ay tungkol sa pinaka mabisa at mahusay na bise presidente sa kasaysayan ng Pilipinas — na siya ring opisyal na pinakamatindi ang tinatanggap na banat sa gitna ng garapalang kawalanghiyaan sa panahon ni Rodrigo Duterte.
Iyong pitik na kulang sa toughness, balewala iyon kung ihahambing sa ibang patama at harap harapang pambabastos kay Robredo. Tinawag siyang “boba” ng foreign secretary ni Duterte na pumuri sa mga Nazi. Walang tigil ang pambabastos sa kanya at sa mga anak niya sa social media. At Duterte mismo, ang presidente mismo, dahil wala nang maisagot sa walang tigil na pagtulong ni Robredo sa mga naghihirap na Pilipino sa gitna ng pandemya, sinabihan siyang: “Mamatay ka na!”
Pero may narinig bang balasubas na sagot? May binuga bang malaswang tugon? May binanat bang bara-barang pahayag ang bise presidente? Wala. Sinagot nang mahinahon ang mga pambabastos — tapos patuloy sa trabaho, tuloy ang pagtulong sa sambayanang nagdurusa sa gitna ng pandemya.
Iyan ang toughness.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING