Kay VP Leni Robredo mula sa isang Duterte supporter (satire) | Inquirer
 
 
 
 
 
 
Kuwento

Kay VP Leni Robredo mula sa isang Duterte supporter (satire)

/ 10:37 PM July 09, 2019

Vice President Leni Robredo. INQUIRER FILE

Dear Ma’am,

Makisama naman kayo. Patulan ninyo naman kami. Pumalag naman kayo sa pambabastos namin.

Yong palag na may bagsik, ma’am. Yong may asim. Yong tipong manggagaling sa isang lider sa panahon ni Rodrigo Duterte.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Anak ng tinapay, ma’am, kung anu-ano na nga ang ihinambalos namin sa inyo. Kung anu-ano na ang tinawag namin sa inyo. Tinawag kayong boba at walang silbe. Pinagbintangan na kayong ambisyosa. Pinagbintangang mahina. Tinawag pa nga kayong basurera.

Sangkatutak na fake news tungkol sa inyo ang pinalaganap namin sa Facebook, ala pa rin, ma’am!

Kinalat na ngang gusto ninyong ipakulong ang mga umaatake sa inyo … Na pinagbawalan kayo ng US na bumiyahe sa Amerika .. Na kinasuhan kayo nang estafa ng gumagawa ng tsinelas ..

ADVERTISEMENT

(Lakas nang tawa ko doon sa fake news tungkol sa tsinelas, ma’am. Daming naniwalang DDS doon. Mga loko talaga yong nagpakalat noon.)

Pero sa kabila ng mga pakanang ito, talagang hindi kayo natitinag!  Anovayan, ma’am!

Walang tigil na nga naming pilit na pinapalabas na wala kayong kwentang bise presidente, e napaka walang kwenta naman ng mga reaksyon ninyo, ma’am.

ADVERTISEMENT

Pansinin ninyo naman kami. Wag ninyo naman kaming dedmahin.

Oo, minsan sumasagot kayo. Pero ‘alang dating, ma’am. Alang asim.

Tulad noong tinawag kayong “boba” ni Teddy Boy Locsin bago umatras ang loko at humingi ng tawad sa inyo na parang nanginginig na tuta.

“Hindi ako pumpaatol kapag usapang bastusan,” sabi ninyo, ma’am. “Sa akin, hindi naman ako nababawasan noon.”

Anong klase iyan, ma’am? Magpabawas naman kayo!

Hindi iyan ang sagot ng isang tunay na namumuno sa panahon ni Duterte. Tularan ninyo si Tatay Digong.

(Note: Ang mga susunod ay hindi satire. Totoo ang mga ito.)

Kita ninyo naman, ma’am, noong binanggit ng UN representative na nakakabahala na ang patayan, aba banat agad si Duterte: “Huwag niya akong takutin! Putang ina niya!”

Noong binanggit uli sa isang press conference ang human rights, arangkada agad si Tatay Digong kahit alas tres ng umaga. “Baka kala ninyo… Putang ina. Mga ulol. … Kayo ‘yong bugok hindi ako.”

Aba kahit mga walang jeepney driver na umaangal, pinutukan ni presidente: “Mahirap kayo? Putangina magtiis kayo sa hirap at gutom! Wala akong pakialam!”

At noong nabuwisit siya sa trapik noong bumisita si Pope Francis,  putok agad si Tatay Digong: “Pope, putangina ka. Umuwi ka na!”

Ganyan dapat, ma’am. Ganyan ang tunay na lider sa panahon ni Digong.  Banat lang nang banat. Putok lang nang putok. Buga lang nang buga kahit galing poso negro ang lumalabas sa bunganga!

Sana po unawain ninyo naman kaming mga Duterte supporter, ma’am, kaming mga DDS.

Marami sa amin kumikita sa pang-iinsulto sa inyo sa Facebook at iba pa. Kaya makisama naman kayo. Hanap buhay po namin ito, ma’am.

Iyong iba sa amin gusto talagang maglingkod sa bayan. E pinagdamutan kami ng lintik na Pnoy. Akalain ninyong gusto naming mag silbe bilang cabinet secretary, commissioner, ambassador, direktor, e lintek, hindi kami pinagbigyan ni Abnoy. And binigyan ng posisyon iyong mga barkada niya, yong mga kabarilan niya. E di iba ang susuportahan namin sa eleksyon. (Si Binay noong una, mum, kaso talo e.)

Iyong iba sa amin mga dating aktibista po, ma’am. Lumaban din kami sa diktadura ni Marcos na alam naming mahal na mahal na ninyo. Lumaban kami para sa human rights, sa civil rights, para sa iba’t ibang klaseng rights, para sa karapatanng mga mahihirap at inaapi.  Akala talaga namin, ma’am, change is coming. E ngayon po e hirap nang kumalas. Nagkakahiyaan na. Hindi na kami makakalas.

Iyong iba sa amin hirap bumitaw sa kinikita, lalo na ngayong mas humirap pa nga ang buhay.  Iyong iba naman nadala na lang nang takot. Alam ninyo naman mum — tokhang. Sino ba naman ang hindi masisindak sa patayan, ma’am.

Karamihan sa amin, talagang naipit na lang. Alanganin na, ma’am. Kaya tiis na lang.

Tatlong taon na kaming nakalublob sa putik, mum. Tatlong taon nang naka-ngudngod sa burak ang mga nguso namin.

At tatlong taon pa kaming magpapagulong-gulong sa kanal, ma’am. Tatlong taon pang magbababad dito sa imburnal.

Kaya makisama naman kayo, ma’am. Makisakay naman po kayo. Samahan ninyo naman kami sa burak. Kahit paminsan minsan lang.

Parang awa ninyo na, ma’am …

Truly yours,

Isang DDS

Visit the Kuwento page on Facebook.

Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING

Don't miss out on the latest news and information.
TAGS: Leni Robredo, Rodrigo Duterte, satire
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.




This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.