President Rodrigo Duterte and China’s President Xi Jinping. AP PHOTO
Napaka-suwerte ng Partido Komunista ng Tsina kay Rodrigo Duterte. Hulog ng langit, bigating handog para sa mga naghahari sa China ang presidente ng Pilipinas.
Lantaran kung sumuporta sa kanila. Walang pag-aalinlangan, walang kahit katiting na hiya sa pagkampi sa kanila. Todo bigay sa pagtatanggol at pagtataguyod ng interes ng mga namumuno sa Beijing.
Halatang halata ito sa pambabalasubas sa mga mangingisdang Pinoy sa Recto Bank.
Pagkatapos maging tameme, ang unang hirit ni Duterte swak na swak sa posisyon ng Beijing: “Bangaan lang ng barko iyan.”
Hindi na kailangang manindak ng Partido Komunista ng Tsina. Yung presidente ng Pilipinas na mismo ang sumisindak sa sarili at sa mga Pilipino kahit — kahit wala pa ngang paninindak mula sa Beijing.
Handa siyang makipag-giyera dahil sa basura ng Canada. Matindi magmura dahil nabuwisit kina Pope Francis at Barack Obama. Binulyawan ang mga nagproprotestang jeepney drivers: “Mahirap kayo? Putangina magtiis kayo sa hirap at gutom! Wala akong pakialam!”
Pero pag dating sa mga naghihirap at walang labang mga mangingisda, silang binutangero at walang awang iniwan sa gitna ng karagatan: ‘Shhh. Wag na maingay. Wag na magalit dahil baka magalit ang kabila. Ala namang namatay e.’
“Do not make it worse,” sabi ni Digong. “We are not yet ready, and we can never be ready in nuclear war, because in nuclear war, kung bitawan lahat ‘yan, earth will dry up and we will all be destroyed.”
Biruin mong China na nga mismo ang umamin na barko nila ang bumangga sa mga mangingisdang Pinoy, aba sinubukan pang palabuin ng opisyal ng gobyerno ni Duterte ang kuwento.
Matapos makipag pulong sa opisyal, biglang nagbago ang tono ng kapitan at crew ng Gem-Ver. Baka daw hindi naman galing China ang bumangga sa kanila. Hindi na sila sigurado. (Nakabusangot lang nga ang mga mangingisda sa photo-op.)
Tapos iyong mga mangingisdang Vietnamese na sumaklolo sa mga Pinoy — aba sila pa nga ang inisip kasuhan ng gobyerno ni Digong. At pasalamat pa nga raw ang mga Vietnamese na hindi na sila kakasuhan.
E iyong barkong bumangga sa mga Pinoy? ‘Sabi nang shhhh. Sabi nang huwag na maingay. Baka magalit …’
May panahong walang ganitong gulo sa West Philippine Sea. May panahong nagkakasundo ang mga mangingisdang galing sa Vietnam, China at ibang bansa, ang mga karaniwang taong gusto lang mag hanapbuhay. Tulad nang sinulat ko noong 2011, may panahong nagtutulungan sila at nagbibigayan: ‘Bigyan kita nang yosi, kapalit ng buko, pards.’ ‘O ito, iyo na ang ilang huli naming isda.’
Pero pumasok na ang mga siga, ang mga may kapangyarihan na interesado sa mas marami pang kapangyarihan. Nangunguna ang Partido Komunista ng Tsina, alalay ang gobyerno ni Duterte.
At ano pa nga ba ang hihilingin ng Partido Komunista ng Tsina sa kampo ni Duterte? Hindi sila kinakalaban. Lagi silang kinakampihan. Laging maaasahan. Bow lang nang bow.
Kahit nga sinabi na nga ng international community at ng international court na mali at pangangamkam ang maraming pinagagawa ng Beijing sa West Philippines Sea, e presidente mismo ang nagsasabing, ‘Hayaan ninyo na. Ala na tayong magagawa diyan.’
Fuck you pa nga ang sabi ng ambassador ng Pilipinas sa UN sa international community. Yong spokesman ni Digong parang spokesman ng Chinese embassy.
At si Duterte mismo, sobra sobra, todo todo ang ipinapakitang paghanga at pagsamba sa Beijing. Gusto pa nga niyang gawin na lang daw probinsya ng China ang Pilipinas.
Sobrang linaw talaga — naka-jackpot ang Partido Komunista ng Tsina kay Rodrigo Duterte.
Visit the Kuwento page on Facebook.