“Tapang at Malasakit” ang slogan ni Duterte noong pinangako niyang babaguhin ang sistemang laging pabor sa mayayaman at malupit sa mahihirap.
Dami ngang tapang sa panahon ni Digong. At mas malinaw na kung para kanino ang malasakit.
Hindi para sa mga mahihirap sa syudad na walang awang pinagpapatay dahil napag-bintangan o napaghinalaang adik. At ngayon, alam na rin natin, hindi para sa mga jeepney driver.
“Mahirap kayo? Putangina, magtiis kayo sa hirap at gutom! Wala akong pakialam!”
Tapang.
Pero ganoon na nga, sa halip na malasakit, malutong na mura ang inabot ng mga driver na tumututol sa isang programang siguradong magpapabigat pa lalo sa paghihikahos nila sa araw-araw.
Malakas ang dating nito sa kaibigan kong si Eduardo Germino.
Binoto niya at sinuportahan si Duterte. Noong isang linggo binastos ni Duterte ang tatay niya.
“Mahirap kayo? Putangina, magtiis kayo sa hirap at gutom! Wala akong pakialam!”
Buti na lang hindi na narining ni Virgilio Germino ang pagmumura ng presidente. Namatay siya noong 1995. Namatay siya sa manibela habang naghahanap-buhay bilang jeepney driver.
Pero sa anak niya, sampal sa mukha ang pagmumura ng lider na sinuportahan niya.
“Gusto ko sanang magmura, pero wag na!” sabi ni Ed sa Facebook. “Jeepney driver ang Tatay ko at iyon ang ipinangtaguyod niya sa amin. Hindi kami patay-gutom!”
Masigasig siyang sumuporta kay Duterte. Pero tulad ng dumaraming tao, nagbago rin ang isip niya.
Nagbago ito bago pa man walanghiyain ng presidente ng Pilipinas ang mga taong tulad ng tatay niya.
Nagbago ito bago pa man ang malulutong na mura.
Nagbago ang isip niya dahil sa mga patayan, dahil sa mga mahihirap na pinaslang nang walang awa, dahil sa Patayang Duterte.
“Hindi rin ako dilawan dahil hindi ko rin gusto ang pamumuno ni PNoy,” sabi ni Ed. Pero iyong pagbabagong inasahan, nabaon na sa mura at patayan.
Tapang at Malasakit. Iyan din ang pangalan ng bagong kilusan ng mga anak ni Digong.
“Tayo rito gagawin natin kung ano yung kailangan natin para sa Pilipinas,” sabi ni Sara Duterte sa paglulunsad ng Tapang at Malasakin Alliance for the Philippines. “This is also a call to all Filipinos to come together for our country.”
“Kaysa mag-away tayo, ba’t ‘di na lang tayo magkaisa para tulungan ‘yung bansa natin?” sabi naman ni Baste Duterte.
Mahirap makipagkaisa pag binubulyawan ka nang: “Mahirap kayo? Putangina, magtiis kayo sa hirap at gutom! Wala akong pakialam!”
“Proud akong tumalikod sa akala kong magiging magaling na pangulo,” sabi ni Ed. “Kaya ako nag-Duterte kasi akala ko siya na ang kasagutan sa mga problema ng bansa natin,” sabi ni Ed. “Hindi ko nakita yung magiging diktador din pala siya.”
Visit and Like the Kuwento page on Facebook.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING