Pasko sa panahon ng pagdiriwang at pangamba | Inquirer
 
 
 
 
 
 
Kuwento

Pasko sa panahon ng pagdiriwang at pangamba

/ 10:57 AM December 20, 2021

AFP PHOTO

AFP PHOTO

Pag tumatanda ka, mas nagiging simple ang alaala mo ng Pasko. Mas maliliit na bagay ang naaalala mo.

Halimbawa ako. Ang madalas kong maalala sa mga araw na ito ay ang mas malamig na simoy ng hangin doon sa amin sa may Cubao sa oras na lumabas ako ng bahay para maglakad papuntang simbahan.

Mag-isa ako. Nakabalat na sapatos. Nakakurbata. Altar boy ako at naka-iskedyul sa misa nang gabi ng Pasko. Kailangan maging maaga ako. Kaya nauna na ako sa pamilya ko.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hindi naman problema dahil malamig at malapit lang ang lalakarin. At kahit paano, nagugustuhan ko ang lumakad sa panahong iyon. Nararamdaman ko ang diwa ng kapaskuhan habang naglalakad sa kalye namin, lampas sa mga bahay na maraming ilaw at dekorasyon.

Mas salu-salo sa ilang kapitbahay. At babatiin ako ng mga kakilala. “O server ka ngayong gabi ha, Boying.” At kakawayan ko sila.

***
Ang isa ko pang naaalala ay ang amoy ng incense sa sacristy. At ang init dahil sa suot naming sutana. Pero madalas hindi mo na mapapansin ang mga ito dahil sa mga dapat atupagin sa misa.

ADVERTISEMENT

Hindi magtatagal, napakarami nang tao. At paminsan minsan lumilingon ako para hanapin ang pamilya ko. Imposible. Masyadong puno ang simbahan.

Pero hindi naman ito problema. Alam kong mahahanap ko sila pagkatapos ng misa. At kahit hindi, malapit lang ang bahay namin. At marami akong makakasamang lumakad pauwi pagkatapos ng misa.

***
Maraming handa sa bahay syempre.  Barbecue. Pansit. Lumpia. Chicken macaroni salad. Adobo nalulunod sa mantika na luto ni Mommy. At Leche Flan na specialty rin niya.

ADVERTISEMENT

Buo pa sa alaala ko ang mga lasa ng pagkaing iyon … kahit maraming taon na ang nakalipas.

At bukod dito, malinaw sa alaala ang pakiramdam na nandoon sila, si Papa at si Mommy, at mga ate ko at mga bayaw, mga pamangkin at mga kasambahay … na kinikilala, niyayakap at diwa ng Kapaskuhan, at tradisyon ng pagdiriwang, ng pagiging isang pamilya, isang komunidad…

****

Ilang taon nang wala sina Mommy at Papa. Huling nakapagdiwang ako ng Pasko sa Pilipinas ay kasama sila, noong ipinagdiwang nila ang kanilang ika-50 anibersaryo bilang mag asawa,

2003 pa iyon. Ipinagdiwang sa community center sa parokya namin, malapit sa paaralan kung saan nagtapos ako ng elementary school.

Kasama ko si Mara, ang aking kabiyak, at si Paolo, ang panganay namin.

Napakasaya. Napupuno ng hiwaga.

Napakatagal na noon. Subalit naaalala ko pa ang saya, ang tawanan, ang pakiramdam ng pagiging bahagi ng pamilya.

***********

Hindi laging ganoon. Hindi laging masaya at mahiwaga ang Pasko sa paglaki ko sa Cubao.

Noong bata pa ako, ang kasiyahan at hiwaga ay nahahaluan ng takot at pangamba. Panahon iyo ng diktadura. Dalawang nakakatandang kapatid ko ay nagpasyang tumutol sa paniniil, lumaban sa mga butangero.

Dahil dito, ang Kapaskuhan noong mga taong iyon ay panahon din ng pag-iingat at pagkatakot. Dahil nagtatago ang mga ate kong lumalaban sa diktador.

Noong tinedyer na ako, isa sa mga responsibilidad ko ay ang maging listo sa mensahe kung kailan at saan ko susunduin ang kapatid ko upang maihatid sa bahay namin at makasama namin sa pagdiriwang.

Napakahirap ng mga taong iyon. Pero masuwerte kami. Nakaligtas kami sa panahon ng paniniil. Maraming ibang iba ang naging karanasan.

*****

Matagal na iyon. Pero naiisip ko nitong mga nakaraang araw, habang naghahanda para sa Pasko sa malayong lugar, ilan kaya, sino kaya ang mga Pilipinong nagdiriwang ang Pasko sa bagong panahon ng pangamba, sa bagong panahon ng pambubutangero, sa bagong panahon ng paniniil …

Ilang kaya ang tulad ko noon, nagdiriwang habang puno ng pangamba kahit Pasko, naghihintay ng tawag, o text, o email mula sa mga minamahal sa buhay — kapatid, magulang, kaibigan —  na nagpasyang hindi manahimik, na nagpasyang labanan ang mga butangero at mandarambong.

At sana, tulad namin ng mga kapatid ko, maliligtas din sila balang araw sa Pasko  sa panahon ng pangamba, sa panahon ng mga butangero … na mararanasan din nila ang Pasko bilang panahon ng pagiging isang pamilya, ng pagkakaisa at pagmamahal …

Maligayang Pasko sa inyong lahat!

Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING

Don't miss out on the latest news and information.
TAGS: Christmas, Filipino American Democrats, Paskong Pinoy, repression
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.




This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.