Umasa tayong patapos na o tapos na anhttps://usa.inquirer.net/wp-admin/profile.phpg krisis ng Covid pag dating ng susunod na Pasko. Pero walang katiyakan dito. Hindi na nga raw krisis ang dapat itawag dito, kung hindi isang panahon, isang era.
Maraming nagbago at nagbabago. At marami dito ay hindi na babalik sa dati.
May kanya kanya tayong kuwento. May kanya kanyang mga pinagdaanan.
Para sa pamilya ako, naging panahon ng pagsubok, pagkabalisa at ng takot ang panahon ng COVID. At naging panahon din ng pag asa.
Noong nagsimula ang pandemya, nasa Hawaii ang panganay kong nasa kolehiyo. Pauwi siya dapat para magbakasyon noong March 2020. Subalit sinabihan naming wag ng bumiyahe. Patindi noon ang pandemya sa California na isa sa mga naging sentro ng krisis. Dumadami ang nagkakasakit — at namamatay.
Kaya pinasya naming mas ligtas si panganay sa Hawaii, kung saan tila hindi masyadong malakas ang hambalos ng COVID.
Subalit hindi pala magtatagal ito. Bumulusok ang coronavirus, kakalat sa bawat sulok ng mundo. At pati na sa Hawaii kung saan nakatira si panganay sa isang dorm, isa sa pinaka delikadong lugar sa panahon ng pandemya.
Ang lakas ng hambalos sa amin ng asawa ko: nagkamali ba tayo? Mas lalo bang nalagay sa panganib ang anak namin dahil desisyon namin?
Kahit paano hindi na siya nagkasakit. Nagremote class work at sa kwarto lang pumirimi habang tinatapos ang taon.
Noong patapos na ang Mayo, nakauwi si panganay nang medyo lumuwag na ang restictions sa pagbiyahe. Nakakatakot. Sasakay siya sa isang eroplano kasama ng maraming tao. Wala pang vaccine noon. Parang isang sugal.
Noong panahong iyon, malala pa rin ang sitwasyon sa California. Kaya bumalik ang takot sa amin na baka mas ligtas siya sa Hawaii kung saan napaka higpit ng mga restrictions laban sa virus. Magandang kasama namin siya muli. Pero mas nilapit ba namin siya sa panganib sa California?
Natatandaan ko ang pangambang naramdaman ko noong sinundo ko siya sa airport. Natatandaan ko ang takot na baka nagkamali kami.
Pero naglaho ang lahat ng pangambang ito matapos ang ilang linggo. Mas lumaganap ang testing. And di nagtagal meron nang mga bakuna. Bumalik si panganay sa Hawaii para matapos ng pag aaral. Nakasama namin siya noong nagtapos siya. Bakunado na kami lahat.
Umuwi siya sa bahay namin para magpahinga at maghintay sa pagsisimula ng bago niyang landas.
Limang buwan na parang balik sa dating kami bilang pamilya kasama ng dalawa naming anak, mga dating paslit na ngayo’y mga binata na.
Limang buwan kaming nakapag lakbay, nag salu salo, nag kwentuhan at biruan, pinag usapan ang patuloy na panghahambalos ng COVID sa buong mundo at ang pag asang lilipas din ang kahirapan at sakit.
Para aming mag asawa, nakakatuwang panoorin ang pagsasamahan ng panganay namin at bunso, at kanilang mga biruan, mga pagtatalo at pagtutulungan kung kailangan.
Subalit sa susunod na linggo, lilisan na muli si panganay. Tatahakin ang sarili niyang bagong landas.
Nalulungkot ako ngayon. Subalit umaasa rin na isang yugto lang ito sa mahabang paglalakbay namin bilang pamilya at bilang mga indibidwal sa mundong ito sa panahon ng malaking pagsubok. At napapasalamat ako sa nakaraang limang buwan, sa panahon ng pagsasama naming muli bilang pamilya, sa panahon ng ligaya at pagasa.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING