Maaaring hindi manalo si Leni Robredo kung tumakbo siya sa 2022.
Pero pwede siyang magtagumpay sa ibang paraan.
Napakalinaw na magiging malaking serbisyo sa sambayanang Pilipino ang pagiging kandidato niya — kahit hindi siya maging presidente.
Dahil napaka importante ngayon na may tumayong lider na malinaw na ipinapakita kung paano dapat maging lider — masigasig sa paglilingkod, may paggalang sa iba’t ibang pananaw, matatag sa harap ng garapalang pambabastos at panunuligsa.
Magiging napakahalagang halimbawa si Leni Robredo ngayon lalo na sa mga kabataang Pilipino. At may pagkakataong patingkarin ang istilo niya ng pamumuno sa darating na eleksyon.
Hindi ito magagawa ng isang Trillanes or Carpio o kahit sino pa na maaaring meron ngang kakayahang mamuno, subalit hindi pa naipapakita ang naipakita na ni VP Leni nitong mga nakaraang taon.
Ito ang mensaheng ng batikang artistang si Jaime Fabregas sa Facebook:
“Alam ko po na gusto ninyong maseguro ang pagkatalo ng Duterte forces sa 2022. Kaya nag-dadalawang isip kayong tumakbo dahil lumalabas sa mga survey ngayon na nasa kulelat kayo. You don’t have the numbers! Yun ang naririnig ko sa inyo. But please hear me out. Para sa akin ngayon ay mas mahalaga na tumayo tayo sa prinsipyo. Sa totoo lang, gusto nating manalo. Walang may gustong matalo! Pero mas mahalaga na lumaban tayo para sa prinsipyong yan, matalo man o manalo!”
At maaaring mali ang mga polls. Maaaring mas malalim at malawak ng kanyang suporta. Maaaring magbago ang takbo ng kampanya. Maaaring maging malakas na kandidato si Robredo, lalo na kung tapatan sila ng kandidato ni Duterte, ang anak niyang niyakap nang lubos ang istilo ng pamamalakad at kabulastugan ng kasalukuyang pangulo.
Masalimuot ang pulitika at eleksyon sa Pilipinas.
Popular ang sangganong namumuno ngayon. Nangyari na iyan dati sa kasaysayan natin, sa kasaysayan ng mundo. Nangyari ito noong panahon ni Marcos. Nangyari ito noong panahon ni Hitler. Minsan dumarating ang panahon kung kailan nabobola ng isang lider na makasarili at barumbado ang mga mamamayan.
At sa mga panahong iyon, mas kailangan ngang tumindig ang lider na may integridad at malinaw na pagmamalasakit sa tao.
Kahit hindi siya manalo sa eleksyon. Kahit siguradong dadayain. Kahit siguradong pahihirapan ng mga pwersang nababahala sa paninindigan niya.
Kung tumakbo si Robredo, maaabot niya ang mga Pilipinong nasanay na sa takot, nasanay na sa pagmumura, nasanay na sa kawalang hiyaan ng isang balasubas na presidente.
At makikita nila, “Oo, pwede palang magkaroon ng isang pinuno na hindi nagmumura. Pwede palang magkaroon ng lider na hindi nambabastos. Pwede palang magkaroon ng presidenteng hindi kami sasabihan: ‘Mahirap kayo? Putangina magtiis kayo sa hirap at gutom! Wala akong pakialam!’”
Pwede palang magkaroon ng lider na hindi ginagawang biro ang rape at kamatayan. Pwede palang magkaroon ng lider na hindi pikon. Pwede palang magkaroon ng presidenteng nagtataguyod ng pagkakaisa at pagtutulungan lalo na sa gitna ng matinding pagsubok.
At makikita nila ito kay Leni Robredo. Siya ang pinakatanyag at pinakamatatag na pangontra sa mga pwersa ng kahayupan sa ilalim ni Duterte.
Hindi garantisado ang pagwawagi sa pagiging presidente.
Pero ang garantisado ay ito: Kung tumakbo si Leni Robredo, makakatulong ang kampanya niya sa pag angat ng kamalayan ng mga Pilipino, lalo na ang mga kabataan.
Makakatulong ito sa pagmumulat ng mga kabataan. At sa pagtanda nila, maaalala nila ang kanyang halimbawa. Maaalala nila ang kanyang kampanya. At darating ang panahon, pag handa na ang mga mamamayang ibasura ang Dutertismo, magkakaroon sila ng lakas ng loob na harapin at kalabanin ang mga pwersa ng kawalang hiyaan.
“Your humility, VP Leni, is your greatest strength!” sabi ni Fabregas “If you fight and decide to run, the support will follow! Sa aking paniwala po ay maraming naghihintay sa desisyon ninyo. Hindi ko po kayo tatawaging ‘opposition’. Tatawagin ko po kayong ‘reunification’. You will re-unify this country, VP Leni. Sa panahon natin ngayon, kayo po ang kailangan!!!”
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING