Isa’t kalahating taon. Iyon na lang sana ang panahong natitira sa butangero at walang awang administrasyon ni Duterte.
Magiging mahalaga ang darating na taon. Sa 2021, mas magiging malinaw kung ang Pilipinas ay patuloy na magiging bansang pinamumunuan ng presidenteng naging inspirasyon ng malawakang patayan, na walang pakundangan ang pambabastos sa mga karapatan ng mga Pilipino, lalo na ang mga mahihirap.
Sa 2021, mas magiging malinaw kung ang mga Pilipino ay handa nang tutulan at kalabanin ang pamumunong walang pakialam sa kapakanan ng mga mamayang naghihikahos sa gitna ng pandemya, na garapalan kung manloko at magsinungaling sa harap ng trahedya.
Pagod na ang maraming tao sa buong mundo matapos ang halos isang taong pakikibaka sa pandemya, sa kawalan ng katiyakan at kamatayan.
Para sa mga Pilipino sa Pilipinas at sa Estados Unidos, mas naging mahirap ang paghihintay at ang pagpupunyaging makaahon sa ilalaim ng mga pinunong halatang halatang walang pakialam sa pagdurusa ng marami, na ang ina-abala lang ay ang sariling kapakanan.
Buti na lang at patapos na ang panahon ng walang direksyon at makasariling pamumuno Estados Unidos.
Pero hindi pa tapos ang bangungot sa Pilipinas. Isang taon at kalahati pa ang natitirang panahon sa administrasyon ng isa pang butangero.
At hindi pa nga natitiyak kung magtatapos nga ito …
Hindi tiyak kung matatapos nga ang pamumunong kumitil sa buhay ng isang kabataang tulad ni Kian delos Santos, na ang nais ay makapag aral subalit pinatay nang walang awa ng mga pulis ..
Hindi tiyak kung malalansag din sa wakas ang pamumunong nagbigay ng lakas ng loob sa pulis na bumaril kina Sonya at Frank Gregorio, ang mag inang binaril sa ulo sa harap ng kanilang mga mahal sa buhay ..
Hindi tiyak kung mawawala na sa poder ang mga alagad ng presidenteng walang tigil ang pambabalasubas sa mga mamamayan, na ganoon ganoon na lang kung mambastos ng kahit sino …
Popular daw ang presidenteng naghasik ng lagim sa kapuluan, ang pinunong nagudyok sa mga pulis na pumatay, ang presidenteng nagsabi sa mga sundalong walang problema kung maging abusado sila at manggahasa.
Pero alam na natin ang kuwentong ito.
Ang mga butangerong popular, bumbagsak din. Ang mga taong nilalapastangan ng mga siga at mapang-api, mauubos din ang pasensya.
Nangyari na ito sa kasaysayan ng Pilipino, sa kasaysayan ng buong mundo.
Natapos din ang bangungot sa Amerika. Walang duda, matatapos din ito sa Pilipinas.
Visit the Kuwento page on Facebook
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING