Si Trump ang gustong manalo ni Duterte. At napakalinaw ng dahilan kung bakit.
Pareho sila sa maraming paraan. Magkabarkada. Kitang kita na isa si Duterte sa mga butangero’t diktador na hinahangaan ni Trump, kasama nina Kim Jong Un, Bolsonaro at Putin.
Pareho silang nahalal noong 2016 kung kailan nagsimula ang pambababoy sa demokrasya sa Pilipinas at sa Estados Unidos.
Parehong naging kilala sa pagpapasabog ng kasinungalingan. Parehong mahilig umastang siga. Parehong walang pakialam sa kapakanan ng karaniwang mamamayan, lalo na ang mga naghihikahos.
Parehong naghari sa panahon ng matinding kamatayan at paghihirap sa bansang pinamumunuan nila, sa panahon ng pandaigdigang pandemya.
Malaki ang problema ni Duterte kung matalo si Trump. Pag matalo si Trump, mawawalan siya ng importanteng kaalyado. Pag maging presidente si Joe Biden, kakailanganin ni Duterteng makibagay sa isang lider na disente, may paggalang sa batas at demokrasya, sa isang pangulong may paggalang sa kapwa.
Mahirap iyon kay Duterte. Napakahirap.
Mahirap para sa isang presidenteng garapalan kung mambastos ng kahit sino, maging si Pope Francis at Barack Obama na kapwa niyang minura, o ang mga nagproprotestang mga jeepney driver na sinabihan niyang: “Tangina, magtiis kayo sa hirap at gutom.”
Pag si Trump uli ang pangulo ng Estados Unidos, hindi kelangang alalahanin ni Duterte ang pagiging magalang at ang pagsabi ng totoo.
Hind niya kelangang magpanggap na may paggalang siya sa demokrasya at sa human rights.
Bakit pa?
Kung ang pangulo ng Amerika ay pumapayag na hatakin sa mga magulang nila ang mga batang tumakas sa karahasan sa Latin Amerika at ikulong sa mga hawlang bakal, kung ang presidente ng US nagawang utusan ang mga pulis na bugbugin ang mga tahimik na nagproprotesta sa harap ng White House, balewala ang mga kabulastugang ginagawa ni Duterte sa mata ng mundo.
Mas maganda yon para sa presidente ng Pilipinas na inudyukan ang mga pulis ang vigilante na maglunsad ng malawakang patayan. Walang pressure na magbago at maging matino kumbaga. Tuloy lang ang ligaya.
Pero kung magkaroon ng pagbabago, kung matuloy ang inaasahang pagtatapos ng karumaldumal na pamumuno ni Trump, kung patalsikin ang pinunong binalewala lang ang pandemyang pumatay na sa lampas 200,000 Amerikano, ang laki ng problema ni Duterte.
Mawawala ang kakampi niya. Maaalis sa kapangyarihan ang kabarkada niya, ang lider na kontra sa demokrasya, walang paggalang sa batas at sa karapatan ng mga karaniwang mamayan.
Matatanggal sa poder ang pinunong kapareho niya sa isitilo, sa diskarte — ang lantarang pambabastos sa kapwa, ang walang pakundangang pambabalasubas sa mga tradisyong nagtataguyod ng demokrasya at kalayaan.
Minalas tayong mga Pilipino noong 2016 noong naluklok sa poder sa Pilipinas at sa Estados Unidos ang dalawang pinunong garapalan ang pambababoy sa mga mamamayan.
Sa susunod na linggo, sa Estados Unidos na tahanan ng lampas limang milyong Pilipino, may pagkakataong pataobin at patalsikin ang isa sa kanila.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING