Rogelio Sikat, dapat National Artist | Inquirer
 
 
 
 
 
 
Kuwento

Rogelio Sikat, dapat National Artist

/ 12:53 AM August 15, 2017

SIKAT FAMILY COLLECTION

Panahon ng nominations para sa National Artist. Isang pangalan sana ang maging tanyag sa mga diskusyon at debate: Rogelio Sikat.

“Sir Sikat” siya sa marami sa aming estudyante sa UP noong 1980s. Roger sa mga kaibigan at kakilala.

Walang duda, isa sa pinakamagaling at makabuluhang manunulat ng Pilipinas. Propesor, gabay, inspirasyon, kaibigan. Siya ang dahilan kung bakit nakagiliwan kong magbasa ng Pilipino. Siya rin ang dahilan kung bakit sumusulat ako sa Pilipino.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Basahin ninyo ang kuwentong ‘Tata Selo” at “Impeng Negro” para malaman ang galing ni Rogelio Sikat. Required reading pa rin ito sa high school tulad noong panahon namin. Sinulat niya ang dulang “Moses, Moses,” na nanalo ng Palanca Award, at ang nobelang “Dugo sa Bukang Liwayway.”

Malaki ang naiambag ni Sir Sikat sa sining hindi lang dahil sa mga kuwento niya at mga sanaysay. Naging malaki ang naimbag niya dahil sa sa mga turo niya tungkol sa sining — at sa pulitika.

Naging aktibista si Roger Sikat noong panahong importante ang pagiging aktibista, noong panahong ang mga manunulat at mga alagad ng sining ay kailangang makialam sa mga nangyayari sa lipunan.

ADVERTISEMENT

Nilabanan niya ang diktadura ni Marcos. Tumulong siya sa mga ibang nakikibaka noon. Pinatuloy sila sa bahay niya at inalalayan silang mga nagtatago noong kainitan ng martial law.

Lubos ang paninindigan niya para sa sining, sa panulat. Hindi ko makakalimutan ang mga payo niya tungkol dito, sa mas malalim na ibig sabihin ng pagiging manunulat at sa pagiging aktibista. Dahil para kay Sir Sikat, dapat maingat sa paghahalo ng mga ito.

“Kung susulat ka nang may tungkol sa lipunan, lakipan mo ito ng sining,” sabi niya sa akin sa isang sulat. “Huwag kang susulat dahil lamang sa uso….”

ADVERTISEMENT

“Mas matagal at mas mahirap gawin ang sining kaysa pulitika. Nagtatagal ang sining at ang pulitika ay pansamantala.”

September 1982 ang date ng sulat, handwritten sa tatlong pahina. Kainitan ng pakikipaglaban sa diktadura. Gaya ng maraming mga nag-aambisyong maging manunulat, ang pangarap ko noon at maging aktibistang-manunulat. Ang uso noon ay ‘yong pagsusulat na nakababad sa pulitika, para sa masa, para sa bayan, para sa rebolusyon.

Dito ako ginabayan ni Sir Sikat sa sulat na puno ng mga aral at malalim na pananaw sa tunay na kahulugan ng pagsulat at pagiging manunulat.

Galing sa pamilya ng mga magsasaka si Sir Sikat, at wala siyang bilib sa mga nagsusubok sumulat nang tungkol sa mga mahihirap nang hindi naman talaga naiintindihan ang pinagsasabi nila.

“May mga dula sa Pilipino na nanalo sa Palanca na kung ako ang hurado ay di dapat nagwagi; ang katangian lamang ng mga ito, na tumapat sa panlasa ng mga hurado, na rebolusyonaryo daw, ay pagpapakita ng mga api ng lipunan na nagrerebolusyon. Kay babaw na pamantayan sa sining!”

Copy of Sikat’s letter to author.

“Naalala ko ang mga dula noong 1970 — mga dulang pang manggagawa at pang-magsasaka na sinulat ng kapos ang kaalaman dito. Nakakasawa. … Huwag kang sumunod sa tradisyon sapagkat tradisyon. Ipahayag mo ang sarili mo; maging matapat sa sarili.”

Walang masamang subukan ang sumulat tungkol sa mga manggagawa, mga magsasaka at mga mahihirap. Pero hindi ito basta basta ginagawa.

“Hindi ko sinasabing bumaba ka. Kapag ginawa mo iyon, baka mawala ka. May kanya kanyang karanasan at pananaw ang manunulat. Hinuhubog dito bukod sa ibang bagay ng buhay na nakamulatan. Hindi ko aasahang makasusulat ka nang mabisa sa hindi mo gamay. Ipapayo ko sa iyong panatilihin mo ang sarili mo.”

At magiging mabisang manunulat ka kung walang tigil ang pag-aaral mo ng wika, sabi niya.

“Importante, napaka importante sa manunulat ang kadalubhasaan sa wika. Paano makapagpipinta ang pintor kung di siya sigurado sa pahid? Bata ka pa at matututunan mo ang wika, sa pagbabasa (dagdagan mo ito, pilitin mo), sa pakikinig, sa paggamit.”

Iyon pa ang isang kalakasan ni Sir Sikat: sa paggabay sa akin at iba pang batang manunulat, magaling siyang makinig. Alam niyang nagbabago lahat, na iyong umobra sa panahon niya pwedeng hindi na bagay sa mga mas bata sa kanya.

“Mag ingat ka rin sa iyong pagbabasa pagkat baka lipas na ang timpla ng wika mong makuha. … Kung minsan naiisip kong masuwerte ka at ang mga katulad mo. Wala kayong nakagapos na tradisyon na kailangang baklasin. “

Namatay si Sir Sikat noong 1997. Ika-20 anibersaryo ng pagkamatay niya noong July. Natatandaan ko pa ang lungkot ko noong narinig ko ang balita na pumanaw na ang gurong napakalaki ng naitulong sa akin sa paglalakbay ko biglang manunulat.

Paminsan minsan binabalikan ko pa rin ang huling sinabi ni Sir Sikat sa sulat niya.

“Ang pagsulat ay pagtuklas. Lakad ka na.”

Visit and Like the Kuwento page on Facebook.

On Twitter @boyingpimentel

Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING

Don't miss out on the latest news and information.
TAGS: artist, awards, Filipino writers, opinion
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.




This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.