Dear Ma’am Leni,
Ano ba naman kayo, ma’am! Nagkakamatayan na nga sa Pilipinas, hirap na hirap na nga ang mga Pilipino dahil sa COVID-19, napakaseryoso pa ng mga pahayag ninyo.
Sabi ninyo: “Marami ang namamatay, at hindi sila statistics lang. Bawat isa sa kanila, may kuwento, may pangarap; may pamilya sila, may nagluluksa para sa kanila.”
Anong klase yan, ma’am. Masyadong madrama. Tignan ninyo ang diskarte ni Duterte:
“The time of giving the assistance or the stipend or the — your allowance is no longer there. We cannot give you that anymore. Tapos na ‘yon. Sabi man ng iba, ‘Paano ba itong gobyerno? Gamitin mo nga utak mo, putangina kasimple!”
Hanep talaga, ma’am! Ganyan ang tunay na pinuno, ma’am. Naghihikahos na ang buong bayan, pero malutong pa ring magmura, matindi pa ring bumanat sa kahit sinong pumuna sa kanya.
Tapos noong naglabas ng panawagan ang mga health care workers, ang mga doktor, nars at iba pang mga frontliners na humaharap sa pandemya, anong sinabi ninyo sa Twitter: “Our doctors are sending a distress call. … We need to listen, so that we can start rising from this crisis. The only way to get through this is to stand together.”
Ano ba naman iyan, Ma’aam Leni! Tama na iyang ‘stand together, stand together’ na iyan!
Wala namang sinabi yang sinabi ninyo sa diskarte ni Tatay Digong.
Pinakita ni Duterte na ang tunay na lider, pag nakatanggap ng puna, birada agad, mura agad.
Kita ninyo naman, kahit wala namang binanggit tungkol sa pagrebolusyon doon sa pahayag ng mga isang libong health care workers, abe e unanahan na ni presidente!
“If you are really on a rampage, you want a revolution, fine. Let’s start it. Go ahead — go ahead in the streets. Makita natin. … Gusto ko lang subukan ninyo ako. I dare you. Do it! I don’t give a fuck if you gather 1,000, 2,000 (signatures.) Now, if you think that this can be solved by revolution, then by all means, we start it. Kung magsabi kayo, revolution, revolution, go ahead.”
Ganyang ang hirit na may dating, ma’am. Ganyan dapat ang birada ng isang tunay na namumuno sa panahon ni Duterte! Iyan ang dapat ninyong gayahin, ma’am! Iyan ang dapat ninyong tularan!
E kayo naman, kung anu-ano pa ang pinagsasabi ninyo, VP Leni?
“Malikhain tayo. Maabilidad tayo. At sa dinami-dami ng pagsubok na pinagdaanan natin—sa lahat ng sakuna, sa digmaan at diktadurya, sa pananakop—may isang bagay na tiyak: Nakaalpas lang tayo dahil hindi tayo nagkanya-kanya; dahil pinalawak natin ang saklaw ng malasakit natin; dahil itinuring nating kakampi ang bawat Pilipino, ipinaglaban natin sila, minahal natin sila.”
E bakit naman ganyan, ma’am. Sa gitna nang napakatinding krisis, ang pinag-uukulan ninyo pa ng pansin e ang pagtataguyod ng kabutihan ng sambayanang Pilipino.
Tama na iyan, ma’am! Makisama na lang kayo!
Pagbigyan ninyo no lang kami. Kita ninyo namang hirap na hirap kaming mga DDS. Kita ninyo naman ang sinusuportahan namin, siya na mismong umamin na inutil siya.
Pakita ninyo namang pareho kayo ni Duterte. Gayahin ninyo naman ang pamumuno niya! Tularan ninyo naman si Tatay Digong! Palabasin ninyo namang inutil din kayo … kahit kunwari lang … kahit hindi po totoo…
Pakisamahan ninyo naman kami. Parang awa niyo na, ma’aam…
Visit the Kuwento page on Facebook
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING