Dear Ma’am Leni,
Ayan tuloy, nasibak kayo. Bakit ninyo kasi tinanggap ang alok ni presidente na mamuno ng kampanya laban sa iligal na droga. Dapat kasi ang sagot ninyo e, “Ayaw ko.” Mas maganda pa nga sana kung sinabi ninyo: “Ay naku hindi ha. Ayaw ko niyan. Di ko kaya iyan!”
Swak sana sa plano, ma’am!
Masasabi sana naming wala naman pala kayong kuwenta. Matatawag sana namin kayong duwag at puro dada lang. Makakapag-pakalat pa kami ng fake news na sangkot talaga kayo sa mga kriminal kaya ayaw ninyong tumulong sa kampanya.
Sinira ninyo ang plano, ma’am!
Tapos ginawa na nga kayong pinuno ng kampanya laban sa illegal drugs, hiningi ninyo pa ang listahan ng mga drug lords. Saan ka nakakita na ginawa na ngang drug war czar e gusto pang makita ang listahan ng mga kriminal.
Anong klase iyan, ma’am! Sobra naman kayo!
Talagang hindi magtitiwala sa inyo si Tatay Digong. Pambihira naman, ma’am, ang simple, simple na lang nga ang kelangan ninyong gawin, ang tumanggi sa alok ni Tatay Digong, kinumplika ninyo pa ang buhay niya.
Nabulabog tuloy lahat.
“Naku, ser, paano na, gusto raw makita ang listahan ng mga drug lord! E mahirap yon ser, kasi alam ninyo na …”
“Lagot tayo, ser. Pwede raw maupo sa mga cabinet meeting si Robredo. Paano na tayo makapag-usap nang maige niyan.”
Tapos sinabi ninyo pa: “Ang laban sa iligal na droga ay ‘di laban ng pulis lang, hindi ito laban ng gobyerno lang, pero laban ito ng buong community.”
Anong kalokohan yan ma’am!
E paano makakapag-tokhang ang mga pulis kung pati mga karaniwang Pilipino kasama sa laban sa droga. Sino na ang itotokhang nila!
Paano na lang yong mga puneraryang kumikita sa patayan. Paano na naman ‘yong mga pulis na may kumisyon sa bawat bangkay na madala sa mga punerarya.
Anak ng tinapay naman ma’am, makisama na naman kayo. Sumakay naman kayo.
At nakakainis talaga ma’am yong mga reaksyon ninyo sa mga bintang laban sa inyo, sa mga fake news, sa mga pambabastos. Walang dating!
Ayan ma’am, garapalang pambabastos na nga ang nangyari — binigyan kayo ng posisyon tapos noong sineryoso ninyo ang trabaho, bigla biglang binawi. Magmura naman kayo ma’am! Magwala naman kayo! Iyong tulad ng isang lider sa panahon ni Duterte.
Mas lalo ninyo kaming pinahihirapan, ma’am. Alam ninyo namang diyan kami kumikita sa pagpapasabog ng mga kasinungalingan tungkol sa inyo. Kung pumalag kayo na nagwawala may magagamit kami sa Facebook at Twitter, mas marami kaming masasabing kabulastugan tungkol sa inyo.
Kaso ala, ma’am. Lagi na lang kayong matino, magalang at marangal kung sumagot. Walang asim, walang dating. Hindi na uso iyan ma’am!
Gayahin ninyo naman si Tatay Digong. Maging bastos at balasubas naman kayo.
Para matulungan ninyo naman kami Kasi kelangan namin ang tulong ninyo …
Hirap na hirap na kami, ma’am. Tatlong taon na kaming nakasubsob sa burak sa pagtatanggol kay Duterte. Tatlong taon pa kaming magpapagulong gulong dito sa imburnal. Kung anu-anong kababuyan na ang pinaggagawa namin …
Pakisamahan ninyo naman kami — kahit paminsan minsan lang, ma’am.
Parang awa ninyo na ma’am…
Truly yours,
Isang DDS
Visit the Kuwento page on Facebook
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING