Bakit mo tatanggapin ang alok ng isang taong garapalan kung mambastos sa mga mamayan, lalo na sa mga kababaihan?
Bakit ka papayag akuhin ang responsibilidad ng pagsugpo sa iligal na droga mula sa isang taong binalasubas at binalewala ang buhay ng libu-libong Pilipino?
Mali daw ang desisyon ni Leni Robredo na tanggapin ang alok ni Duterte na siya na ang mamuno sa kampanya laban sa iligal na droga. Makakasira lang daw sa kanya, lalo na kung tatakbo siyang presidente.
Pero balewala ang ambisyon sa panahong ito — lalo na isang matinong namumuno. Dahil malinaw na may isang mahalagang pwedeng magawa ni Robredo sa bagong posisyon: Puwede niyang matigil ang patayan.
Puwede niyang ilantad o tapusin ang pambababoy sa mga mamamayan, lalo na ang mga mahihirap na nasalanta ng Patayang Duterte.
Kung maililigtas niya ang kahit isang buhay dahil sa posisyong ito, okay nang salubungin ang hamong ito, okay nang harapin ang malinaw namang isang bitag na ihinain ni Duterte.
At mas mahalaga ito sa pagiging pangulo. Mas makabuluhan.
Ang isang matino at matapat na lider tumatakbo para maging presidente dahil gusto niyang magkaroon ng pagkakataong makatulong — pagkakataong mapabuti ang buhay ng mga mamamayan.
Kasama na rito ang pagligtas sa buhay ng kahit isang tao.
At ngayon, sa kabila ng malubak ang landas na nasa harap niya, may pagkakataong makatulong si Robredo.
Siya mismo ang nagsabi: “Sa dulo, ang pinakamahalagang konsiderasyon para sa akin ay simple lang: kung ito ang pagkakataon para matigil ang patayan ng mga inosente at mapanagot ang mga kailangang managot, papasanin ko ito.”
Ito ay panahon ng tapang, tatag at tiwala.
Tapang na harapin ang isang pangulong nag-udyok ng isang malawakang patayan, na nahikayat ang marami ng suportahan ang madugong kampanya.
Tatag na harapin ang mga hambalos mula kampo ng isang presidenteng walang kahit katiting na paggalang sa buhay at kalayaan, na pinaliligiran ng mga taga-suportang walang pakundangan sa pagkalat ng mga kasinungalingan.
Tiwala sa Pilipino. Tiwala na marami sa kanila ang tutol sa patayan, tutol sa kawalanghiyaan, tutol sa walang humpay na pambabastos sa dangal ng sambayanang Pilipino.
Tiwala na disente at may paggalang sa karapatang pantao ang maraming Pilipino.
Hindi madali at sinabak ni Leni Robredo. Hindi simple ang sumugal pa sa panahon ng isang tulad ni Duterte.
Pero kahit isang buhay lang, isang Pilipino, ang mailigtas sa kahayupang nilunsad ni Duterte, bakit nga hindi …
Visit the Kuwento page on Facebook
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING