Napakalinaw na sa panahon ni Duterte, garapalan ang pambabastos sa Pilipino.
Tinatawag silang mga tamad. Binubulyawang mga hampas-lupa. Ginawang biro biro ang patayan sa paligid nila. Binalewala sila nang todo todo, sinasabing di naman nila kailangan o gusto ng mga lider na nagsasabi ng totoo. Walang tigil na binababoy.
“To the Filipino construction workers: Why should I apologize to you for telling the truth that you’re basically lazy and a slowpoke? Does the truth hurt?” sabi ng sugo ni Digong sa China.
Di nakuntento sa walang saysay na pang-iinsulto, ipinakita pa ni Tulfo na siya mismo walang alam sa kasaysayan.
“To those who have been bashing me: Read Jose Rizal’s essay about the indolence of the Filipino in his time. Thank you!”
Pero malumanay pa iyan. Walang sinabi sa hirit ni Dutertenoong nagpahayag ng pagtutol ang dyipni driver sa bagong patakaran.
“Mahirap kayo! Putang-ina magtiis kayo sa hirap at gutom! Wala akong pakialam!”
Sa panahon ni Duterte, ginagawang biro lang ang pagpatay sa libu libong mga Pilipino. Hindi dapat seryosohin ang libu libong pinaslang, karamihan mahihirap, karamihan nilapastangan nang walang due process, walang ebidensya. Nakakatawa pa nga para sa isang alyado ni Duterte.
“Ayaw ninyong pumalakpak? Bukas ipa-Tokhang ko kayo sa pulis,” ang hirit ni Bato Dela Rosa, ang dating hepe ng PNP ni Duterte.
Gusto niyang maging senador. Maski iyon hindi dapat seryosohin. Patawa lang. Pakengkoy kang. Balewala ang magpaliwanag ng isyu. Di na kailangang ipakita at ipaliwanag ang mga prinsipyo at patakarang pinaniniwalaan.
Di na kailangang maging seryoso.
Di na kailangang magsabi ng totoo.
Anak mismo ni Duterte naniniwala dito, na sa paggawa ng batas, sa pagsilbe sa bayan, alang kaso kung sinungaling ka.
“Sinasabi ko sa kanilang lahat: Walang isang kandidato d’yan na hindi nagsisinungaling kaya hindi dapat nagiging issue ang honesty ngayon,” sabi ng anak.
Sa panahon ni Duterte, normal na lang ang pambababoy sa Pilipino.
Paano hindi magiging ganito. Si Duterte mismo walang humpay ang pambabastos sa sambayanang Pilipino.
Aastang siga na ititigil ang ilegal na droga na magtutuloy sa malawakang patayan. Pag anak niya ang mapagbintangang sangkot sa krimen, biglang hihirit na kelangang may pruweba — habang libu libong mga pinatay walang kahit katiting na ebidensya.
Malaking problema ang paglapastangan ng mga pari sa mga bata sa simbahang Katoliko. Pero ang seryosong isyu, ginawang dahilan ni Duterte at mga supporters niya para banatan ang mga alagad ng simbahang tutol sa patayan, tutol sa karahasan. At ang mga tagahanga ni Duiterte walang sinasabi tungkol sa mga walang hiyang pambabastos sa kababaihan, sa pag-amin niya at pagyayabangna siya mismo nilapastangan niya ang isang kasambahay noong bata pa siya.
“Putangina kayong pari dapat nga kayo ang pagbabarilin eh…Putangina mamatay na kayong lahat, wala akong pakialam,” sabi ni Duterte.“Wala akong pakialam kung mamatay kayong lahat, maluwang pa ang ating cemetery. Tangina, making me feel guilty about my – kayo ang nauna.”
Sa panahon ni Duterte, sa mata ni Duterte, basura lang ang Pilipino.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING