Nanding Josef: Artista ng bayan
“Tatang” ang tawag sa kanya ng maraming kaibigan at kakilala. Sa ibang kaibigan, siya si Kaka.
Sa libu-libong mga manonood ng teleserye, kilala siyang tauhan sa mga sikat na palabas sa TV, tulad ng Walang Hanggan, Hanggang Saanat maraming episodes ng Maalala Mo Kaya, o sa mga pelikula ng mga tanyag na direktor, kasama na ang kaibigan niyang si Lino Brocka.
Pero pinaka-kilala si Nanding Josef, ngayo’y artistic director ng Tanghalang Pilipino, bilang alagad ng teatro, artista, director, at isa sa pinakamasigasig na tagapagtaguyod nito sa Pilipinas.
Doon ko siya nakilala sa iba’t ibang klaseng papel — manggagawa, magsasaka, pari, rebelde, scientist.
Siya si Robert Oppenheimer, ang kontrobersyal na scientist na Amerikano sa Isang Imbestigasyon.
Siya ang kaibigan ni Joe Hill, sa dula tungkol sa bayani ng labor movement.
Siya si Pramoedya, ang tanyag na Indonesyanong nobelistang binilanggo at pinahirapan noong panahon ni Suharto.
Siya ang paring tumulong sa isang babaeng inabuso ng mga sundalo sa dulang “Buwat at Baril.” Nagkasama kami ni Nanding sa dulang ito, at sa TV movie na ginawa ng Philippine Educational Theater Associationor PETA, Babaeng Itawas, kasama ang kaibigan naming si Connie Chua, isa pang batikang artista..
Siya si Macli-ing Dulag, na namuno sa pagtatanggol sa karapatan ng mga taga-Cordillera noong panahon ng diktatura ni Marcos.
Sa dulang iyon, talagang napahanga ako nang husto kay Kaka. Sana mayroong video noong pinakamatinding eksenang napanood ko. Gabi ang palabas sa open air na Tanghalang Rajah Suleyman, sa loob ng Fort Santiago. Sa gitna ng entablado sumasayaw si Nanding bilang Macli-ing noong biglang nagpaputok ang mga sundalo. Sa gitna ng stage, mula sa isang tubong kawayan, biglang umapaw ang “dugo.”
Kahit sugatan na siya, patuloy na sumayaw si Macli-ing.. Noong bumagsak siya sa wakas, binuhat siya sa likod ng isang katribo na ginampanan ng isa pang mahusay na alagad ng teatro na si Mary Joan Fajardo. Sa ilalim ng kalangitan sa gabi, dahan dahan, isa-isang hakbang, binuhat ni Mary Joan ang “bangkay” ni Nanding, hanggang makaabot sila sa tuktok ng pader ng Intramuros.
Di malilimutang eksena ng dalawang napakahusay na artista.
Sa pelikula, naging bahagi si Kaka ng mga kilalang produksyon tulad ng Citizen Jake, Hiblang Abo, Jose Rizalat Sakay. Hindi ko pa napanood ang bago niyang pelikula, ang Signal Rock,”sa direksyon ni Chito Rono.
Ito ang sabi ng kilalang kritikong si Joel David: “In Signal Rock, though, he plays a different kind of patriarch: meek and submissive, content to grant favors to demanding town officials. Yet when his character later admits to having a background of horrendous abuse and profligacy, we suddenly get to understand why his own wife treats him like an animal.
“This complex delineation of character is executed with the barest amount of words and action, in a movie where everyone else lives a larger-than-life existence. Only when you consider his achievement in retrospect will you realize that a genuine master was at work.”
Sinulat ko ito dahil birthday ni Nanding Josef sa linggong ito.
Pitumpong taon na si Kaka. Halos 50 sa 70 taong iyon and iginugol niya sa sining at sa teatro. At hindi lang pag-direct at pag-arte ang pinag-ukulan ng pansin ni Kaka.
Kasama namin siya sa maraming protesta noong panahon ng diktatura ni Marcos. At nagpatuloy ang pagiging aktibista niya, lalo na para sa mga alagad ng teatro.
Malaki ang papel ni Nanding sa pagtatayo ng Artists Welfare Project, para magkaroon ng sapat ng health insurance coverage ang mga alagad ng sining sa Pilipinas.
Para sa kaarawan ni Nanding, nangkolekta si Jenny Bonto, executive director, Artists Welfare Project Inc., ng mga sulat at aalala tungkol kay Nanding. Ito ang sinulat ni Jenny:
Dear Tatang,
Salamat po sa lahat ng inyong
Pagmamalasakit sa aming mga hinaing
Pagpupunyagi na kami ay mapapabuti
Pagbubunyi sa bawat katuparan na aming naabot
Paggabay sa aming mga landas lalo na’t naliligaw
Pakikiramay sa mga panahon ng aming kalungkutan
Pakikibaka para karapatan ng mga Pilipino
Pagpapahalaga sa bawat gawain naming natatapos kahit gaano kaliit
Paniniwala na kaya naming abutin ang aming mga pangarap
Pagmamatyag na di kami mapasama
At sa lahat ng pa-pizza na inyong bibilhin para sa aming miryenda.
Sa aming malalapit niyang kaibigan, hindi lang artista, direktor, aktibista, at masigasig na tagapagtaguyod ng sining si Nanding. Siya rin ay gabay, tagapayo, taga-alaska, kasama sa biruan at pati na sa kalokohan.
Isang paboritomg salita ni Nanding noon ang “predictable.” Kasi predictable daw ang buhay, kung paano dumarating ang lungkot at ligaya sa buhay ng isang tao, na ang kabutihan laging magwawagi sa kasamaan.
Minsan malalim talaga si Kaka. Siya rin naman predictable. Laging maaasahang kaibigan, laging handang makinig at tumulong. Laging nakakaengganyong kasama. Isang napakabuting kaibigan, isang alagad ng sining na walang katapat sa husay at paninindigan.
Maligayang Kaarawan Kaka!
Visit the Kuwento page on Facebook.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING