Tutol ako sa palakad ni Duterte. Pero noong pinagbintangang drug smuggler ang anak niyang si Paolo Duterte, todo suporta ako sa presidente.
“If my son was really into it, all you have to do is to produce the paper,” sabi ni Duterte. “Just give me an affidavit and I will step down as President of this Republic.”
Tama si Digong. Pag may ganyang bintang, dapat lang magpakita ng pruweba. Dapat magkaroon ng imbestigasyon. Dapat may hearing kung saan maipagtanggol ni Paolo Duterte ang sarili niya.
“Due process” kumbaga.
Ang magandang balita kay Duterte, walang nangyari sa anak niya sa kabila ng mga bintang. Kung ganoon din sana ang nangyari sa libu-libong pinatay sa kampanyang inilunsad ng gobyerno niya.
Ang kaso, para kay Duterte, may magkaibang ibig sabihin ang due process para sa anak at kaibigan … at due process para sa mga walang labang mahihirap na tinodas sa kampanya ng gobyerno.
Pag kapamilya o kabarkada, aba siyempre merong due process. Kelangan may affidavit. Kelangan may ebidensya. Kelangan may hearing.
Pero pag mahihirap, pag mga Pilipinong naghihikahos, mga tinuturing niyang hampas lupa na wala namang silbe sa kanya, anong due process, due process? Ano sila sinusuwerte?
Kung si Duterte mismo ang tanungin, may halong mura pa ang sagot.
“Anong due process?” sabi ni Digong noong July 2016. “Due process, ulol, kung nasa korte ka na. Kung sabihin, ‘We were not given by the President, due process.’ Eh tarantado ka pala eh. Hindi ako korte.”
“Due process” din ang dalawang salitang hindi naiintindihan ng maraming supporters ni Duterte.
“Due process” ang batayang prinsipyo ng isang demokrasya na binasura na sa gitna ng malawakang patayan na si Duterte mismo ang inspirasyon.
Ito ang totoo: problema ang droga, ugat ng karahasan at kamatayan sa maraming lugar sa Pilipinas.
Ito rin ang totoo: iyong libu-libong pinagpapatay dahil mga durogista daw sila, walang malinaw na ebidensyang ihinarap ang gobyerno ni Duterte na mga kriminal ang bawa’t isa sa kanila.
Lampas 4,000 na libo na ang pinasalang sabi mismo ng mga pulis. Nasaan ang resibo? Nasaan ang pruweba na ang bawat isa sa mga Pilipino iyon ay kriminal?
Lampas 20,000 din ang pinatay na mismo nga pulis ang nagsabi ay mukhang dahil sa kampanya sa droga. Nasaan ang resibo? Nasaan ang pruweba ng ang bawat isa doon ay kriminal?
Nasaan ang mga isinampang kaso? Anong ebidensya ang ihinarap? Nagkaroon ba ng hearing, o imbestigasyon man lang? Meron bang mga testigo?
Walang duda may matutukoy sa mga napatay na talagang kriminal. Pero ilan sila at sino sila sa libu-libong basta na lang binaril, tinambak sa kalye, ginapos at binalutan ng tape sa mukha. Dahil may nagiwan ng karatulang nagsasabing “Drug Dealer Ako” totoo na yong bintang?
Bakit napakahirap sa maraming tagahanga ni Duterte ang isang hiling ng maraming tutol sa bayolenteng kampanyang inilunsad ng gobyerno: Ipakita, patunayan na ang bawat isang taong pinatay sa kampayang ito ay may kasalanan, ay mga kriminal.
Kaso nagpasabog ng malawakang patayan si Duterte kung saan kahit sino pwedeng pagbintangang kriminal, at kahit sino pwedeng magbintang na si ganoon at si ganito ay drug dealer o adik.
May nakatalo kang pulis sa lugar ninyo, mainit sa iyo ang dugo ng kapitan ng baranggay? Yari ka. Pwede kang bansagang adik at tepok ka na agad. Ala nang tanong tanong.
Napakalinaw sa mga reaksyon sa nakaraang kolum ko “Duterte who inspired mass killings says he cares about human life” na naging napakababaw na ang pag-unawa ng mga Duterte supporters sa due process at sa hustisya.
“Kaninong buhay ba ang mas dapat pangalagaan, ang buhay ng mga inosenteng civilian o ang buhay ng mga pusakal na adik, pusher, drug lord at kriminal?” sabi ng isa
Nasaan nga ang pruweba na ang bawat isa sa mga libu-libong pinaslang ay mga “adik, pusher, drug lord at kriminal?”
At dahil sa Patayang Duterte, ganito na kababaw ang pagtingin ng maraming Pilipino sa halaga ng buhay:
“There’s still plenty of stupid people who do not understand. In order to save a million people’s lives, you have to sacrifice and eradicate the lives of pushers and addicts to save the innocents….”
Sino ang mga pinapatay sa Patayang Duterte? Kasama ba ang mga bigating pinuno ng drug smuggling sa Pilipinas? Nasugpo na ba sa wakas ang mga utak ng mga sindikatong yumayaman sa drug smuggling sa bansa? Hindi.
Kilala natin ang ilan sa kanila.
Si Danica May, 5 years old, pinatay noong lusubin ng mga nagkukuwaring antidrug vigilantes ang bahay nila.
Si Carl Angelo Arnaiz, 19, natagpuan sa ilog, lampas dalawang dosena ang saksak, ang ulo niya nakabalot sa tape.
Si Kian delos Santos, 17, na nagmakaawa sa mga pulis na wag na siyang pahirapan bago siya patayin.
Sa isang report ngThe Drug Archive,na inilunsad ng UP Diliman, Ateneo, De La Salle at Columbia University, malinaw kung sino ang napupuruhan ng Patayang Duterte: ang mga mahihirap, ang mga naghihikahos na mamamayan.
“The dead were typically tricycle drivers, construction workers, vendors, farmers, jeepney barkers, garbage collectors or were unemployed,” sabi ng report.
Sino ang mga pinapatay? Mga tricycle drayber, mga manggagawa sa construction, mga tindero sa kalye, mga magsasaka, mga alalay ng mga jeepney drayber, mga taga-kolekta ng basura, mga walang hanap-buhay… mga mahihirap, mga naghihikahos na mamayan.
“My mouth has no due process,’’ sabi ni Duterte noong 2016. Sinabi rin niya, “My order is shoot to kill you. I don’t care about human rights, you’d better believe me.”
At sino naman kaya ang hindi maniniwala na walang pakialam sa human rights si Duterte, lalo na kung mahihirap at mga walang laban ang binibiktima ng patayang pinukaw niya?
Visit the Kuwento page on Facebook
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING