Malaking balita ang mga litrato ni Pope Francis na naka magarbong puffer jacket. Naging malaking balita dahil siyempre hindi naman magdadamit nang ganoon ang Santo Papa. At ang toto, peke ang mga litrato.
Gawa ito ng AI, ng isang software ng isang AI company, na nagiging kilala sa kakayanang lumikha ng mga litrato, drawing at illustration. At kahit sino maaaring makamit ang kakayanang ito, kahit walang alam sa art o anumang paglikha.
Ito ang isang larangan ng AI na mainit na pinaguusapan at pinagtatalunan ngayon.
Dahil sa mga bagong algorithm na mas makapangyarihan at mas mabilis sa mga naunang teknolohiya, kayang kaya nang lumikha ng mga bagong litrato, illustrations at iba pang likhang pansining sa tulong ng AI.
Madalas na mukhang mas mahusay pa o kaya ay makatotohanan ang mga likhang galing sa AI.
Ang problema, marami sa mga ito ay bunga ng mga paghihirap ng mga alagad ng sining, silang lumikha na hindi umasa sa AI o anumang mga sophisticated na teknolohiya.
Ito ang isang larangan ng bakbakan ngayon sa AI. Isa sa kontrobersyal na aspeto ng bagong industriyang ito ay ang pagbenta ng mga serbisyo o mga produkto na nakabatay kahit paano sa likha ng ibang tao. Marami sa mga programang ito ay kumakalap ng mga imahe — drawing, photos, illustrations — napublish na sa web.
Mahahanap ang mga likha o litrato sa napakaraming mga websites. Kayang kaya ng ibang mga AI companies na hanapin at hatakin ang mga ito. Hindi deretsahang pangongopya ang nangyari. Ang ginagawa ng mga AI software ay nirerecord bilang digital information ang mga elemento ng isang likha. Kaya sa halip na iyong mismong likha, mga elemento at pirapiraso ng isang likha ang nagagamit para lumikha ng kunwa’s bagong litrato, imahe or illustration.
Kumbaga, sa halip ng buong putahe ang sinasakmal, paisa isang hati ang nahuhugot tapos iginigisa para gumawa ng bagong putahe.
Masalimuot ang usapan tungkol dito. Pagnanakaw ba ang nangyayari — o resulta ng makapangyarihang teknolohiya na hindi nangongopya kundi gumagawa ng bago?
Dahil dito, nagsampa ng demanda ang isang grupo ng mga visual artist sa sa San Francisco laban sa ilang AI companies.
“Unethical practices by AI companies are now given the scrutiny it deserves by the public, the media, legislators and soon the courts,” sabi ng isang visual artist sa isang tweet noong Enero. ““We are now starting to scratch the surface of all the harms these models could bring, and what we need to do to prevent this harm, and act to do so, with creatives helping lead the way!”
Pero malinaw na merong ibang pagtingin sa tinatawag na AI-inspired art.
Sa demanda sa San Francisco, binanggit ang kaso ni Jason Allen na nanalo sa isang art competition sa Colorado. Nanalo siya sa tulong ng AI.
“This isn’t going to stop,” sinabi niya sa New York Times. “Art is dead, dude. It’s over. A.I. won. Humans lost. Patay na ang sining pare. Tapos na. Panalo ang AI. Talo ang sangkatauhan.”
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING