Bumiyahe kami ng mga anak ko sa Lake Tahoe noong isang weekend. Sila, para mag-skiing. At ako naman, para maging drayber na tagahatid o tagasundo.
Okay lang sa kin. Dahil wala akong hilig mag-skiing. Sinbukuhan ko ito noong bata pa ako, lampas 40 years na ang nakaraan. Sinama ako ng mga pinsan ko sa Bay Area.
Hindi ako nag-enjoy. Hindi ko nagustuhan. Lagi akong natutumba. Hindi ako nakakalarga sa snow.
Kaya kahit naging chaperone at drayber ako sa biyaheng ito, kasama nina panganay at bunso, okay lang sa akin.
Excited silang pareho noong nag drive kami ng tatlong oras mula sa Bay Area paakyat ng bundok. Ngayon lang ako muling nag drive papuntang Lake Tahoe na winter pa. Katatapos lang ang mababagsik na bagyo ng snow, kaya puting puti pa ang tabing daan. Napakaganda. Pero maaraw at maganda ang panahon, kaya hindi problema ang biyahe.
Inayos nang misis ko, ang nanay nila, ang mga detalye ng biyahe, Pero hindi siya nakasama dahil sa ibang obligasyon. Kaya kaming tatlong lang. Minsan lang ito nangyayari dahil madalas kaming apat ang bumibiyahe, buong pamilya kaming nag eenjoy sa pag explore ng mga bago at pamilyar na lugar.
Pero ngayon kami lang. Ang totoo, para ngang silang magkapatid lang dahil hindi ako kasama sa pinaka importanteng pakay — ang skiing.
Binagsak ko sila sa North Star. Sila lang magkapatid. Si panganay ang namumuno at masaya namang sumunod ang bunsong kapatid. Nakakatuwa rin.
Pagkabagsak ko sa kanila, solo na ako. Limang oras na gagala lang sa Lake Tahoe area. May dala akong libro. Bumili ng kape. Malamig pero handa ako.
Limang oras na kahit anong gusto kong gawin sa isang magandang lugar, sa isang malamig na araw sa gitna ng winter. Limang oras para mag-isip at magmunimuni tungkol sa pagiging tatay. Limang oras na nabalikan ang paglalakbay naming pamilya.
Sa isang coffee shop, kung saan tanaw ang mga bundok na nababalutan ng snow, ginunita ko ang paglalakbay na iyon.
Noong huli kaming nagbiyahe na kaming tatlo lang, sa Alaska kami napadpad. Palpak ang simula ng biyahe. Binago ang flight namin mula Seattle papuntang Anchorage na hindi kami sinabihan. Tapos naiwan ang bagahe namin.
Pero naging memorable ang biyaheng iyon. Sumakay kami ng eroplano na umikot sa tapat ng Mount Dinali. Nag cruise kami para makita ang mga glacier.
Gaya nang Lake Tahoe, puti ang ituktok ng mga bundok. Napakaganda. Napakapresko ng simoy ng hangin.
Noong mas maliit pa sila, noong 2009, nagbiyahe rin kaming tatlong lang, sa Pilipinas. Nagpunta sa Zoobic kung saan pinaligiran ng mga tigre ang bus namin. Namasyal sa isang farm sa Rizal. Namasyal sa Maynila kung saan ako lumaki.
Binalikan ko ang mga biyaheng iyon, at iba pang mga biyahe naming pamilya. Nagsimula kaming bumiyahe na baby pa ang mga bata. Pahirapan sa eroplano lalo noong una.
Tapos noong mas malaki na sila mas magaang na at mas enjoy. At mas lalo pa noong naging mga teenagers na sila.
At ngayon, kaming tatlo uli. Pero ang totoo, silang dalawa lang. Salimpusa lang ako.
Panibagong yugto. Silang magkapatid na, silang magkuya ang gumagawa ng mga bagong alaala sa paglalakbay. Alalay lang ako. Tambay lang ako sa Lake Tahoe. Solo. Panahon ng solitude. Panahon ng pag iisip. Panahon para balikan at sariwain ang mga nakaraang paglalakbay kasama ng pamilyang pinakamamahal ko.
Bagong yugto.
Noong sinundo ko sila, pawis ang dalawa bagamat malamig pa rin ang panahon.
“Have fun?”
“Yeah.”
Nagmaneho kami sa hotel. Uuwi na dapat noong umaga. Pero sa sobrang enjoy nga, bumalik pa sila noong susunod na araw. Si kuya pa ang sumagot sa gastos. “He really had fun, Tatay. I’ll take care of it.”
Kaya ayun, bagamat tatambay na naman akong mag-isa nang limang oras, ayos lang. Pagala gala, pabasa-basa, palakad-lakad sa Lake Tahoe. Nag- iisip. Nagmumuni. Nagdiriwang.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING