Kilusang Kulay Rosas. Pink Wave. Ito ang pinakamalaking sorpresa ng kampanyang ito.
Kahit paano, napatunayan ni Leni Robredo na marami pa ring Pilipinong nagnanais ng disenteng pamumuno.
Napatunayan ni VP Leni na laksa-laksa ang mga mamamayang naniniwala sa pamumunong may paninindigan.
Napatunayan ni VP Leni na matatag ang paniniwala ng marami sa kakayahan ng sambayanang Pilipinong kumilos at ipagtanggol ang karangalan ng pagiging Pilipino.
Hindi sila nasisilaw sa mga kasinungalingan ng kandidatong pinagtatanggol ang walang hiyang pangungurakot noong panahon ni Marcos.
Hindi sila tatahimik na lamang sa harap ng garapalang pagbabaluktot sa kasaysayan ng sambayanang Pilipino. Hindi nila hahayaang kalimutan at bastusin ang kasaysayan ng pakikibaka at pananalig ng mga Pilipinong lumaban sa diktadura.
Sari-sari at malawak ang suporta ng kilusang ito. Kinabibilangan ng mga kabataan at estudyante, ng mga propesyunal, ng mga dating opsiyal ng gobyerno, ng mga alagad ng sining.
Ito ang magandang nangyayari sa kampanyang ito. Nakikita ang makabuluhang pag aalsa ng mga mamamayan sa pagtatapos ng anim na taong pamumuno ng isang arogante, bayolente at walang kabuluhang pamumuno ni Duterte.
Nagkakaroon ng pagmumulat, ng pagbangon matapos ang anim na taon na pambababoy ng isang presidenteng walang kahit katiting ng pagmamalasakit sa mga karaniwang Pilipino.
At nagkakaroon ng matinding pagnanasang kalabanin ang pagbabalik ng mga puwersang nagnanais ibalik ang malupit na nakaraan, noong laganap ang pagnanakaw at pambubutangero sa pamumuno ni Ferdinand Marcos.
Mas nagiging malinaw naman kung anong klaseng lider si Marcos Jr. Mababaw. Walang integridad. Garapalan kung magsinungaling. Sobrang linaw na nga at mismong ang Oxford na ang nagsasabinghindi siya nagtapos doon, e pinagpipilitan pa rin ang kasinungalingan ng pag aaral niya.
Tapos ngayon pati pala kabiyak e mala-Imelda ang dating — hambog at magpamalaki na wala naman sa lugar. “I’m so New York!” sabi niya bagamat bawal silang tumuntong ng New York o kahit anong parte ng Estados Unidos kung saan sila ay wanted dahil sa mga kaso ng human rights na binabalewala lang nila.
Napaka-tingkad ng pagkakaiba kina Leni at Kiko Pangilinan, sa pag unawa sa pamumuno, sa responsibilidad ng isang pangulo at ikalawang pangulo, at sa ibig sabihin ng pagiging tagapagtanggol ng at tagapaglingkod sa sambayanan.
Masalimuot ang eleksyon sa Pilipinas kung saan naging tradisyon na ang garapalang pandaraya. Subalit naging tagumpay na at marami nang naisagawa ang kampanya ni Leni Robredo at Kiko Pangilinan.
Napukaw nila ang damdamin ng mga mamamayan na anim na taong nang naghihikahos sa ilalim ng gobyernong marahas at walang pakialam sa kanyang pakanan.
At mas naipapakita ng kampanyang Kulay Rosas ang kahalagahan ng pagkilos at pagkakaisa, ng walang humpay na pakikibaka para sa kalayaan at dignidad.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING