Malalantad ang pagkatao mo. Makikita kung sino ka talaga. Magiging malinaw kung ano klase kang pinuno. Ito ang sinabi ni Michelle Obama tungkol sa pagiging presidente: It reveals you.
Masipag ka ba o tamad. May talino ka ba o wala. May tapang ba, o duwag. May pakialam sa kapwa — o sarili interes lang ang aatupagin.
Bago magsimula ang digmaan sa Ukraine, Sangkatutak na puna ang tinanggap ni Volodymyr Zelensky, ang dating komedyante at artista na naging presidente ng bayang iyon noong 2019. Pinagbintangang mahina, corrupt, walang silbe.
Pero noong nagsimula na ang bakbakan, noong pinaulanan na ng mga bomba ang Ukraine, lumabas ang totoo. Mas naging malinaw kung anong klase siyang pinuno.
Ibinalita ng Russia na tumakbo na raw siya, umatras na, nagtago na. Pero mabilis na pinatunayan ni Zelensky na puro kasinungalingan ang mga ito, na hindi siya umatras or nagtago sa harap ng garapalang pambubutangero. Naglabas ng pahayag sa video mula sa opisina niya, mula sa labas ng opisina niya, mula sa kalye kasama ang ibang miyembro ng gobyerno. ‘Hindi tayo susuko. Hindi tayo titigil sa paglaban. Hindi tayo papayag na yurakan ng mga dayuhan ang dangal ng bansa natin.’
Yoong pinuno akala ni Vladimir Putin ay titiklop at tatakbo sa harap ng karahasan at pambubutangero, nanindigan at lumaban.
Ganyan ang tunay na lider. Pag nakasagupa ng hindi inaasahang panganib, pag nakasagupa ng di inaasahang hamon — digmaan, sakuna, pandemya — hinaharap ito, sinasalubong nang buong tapang. Hindi inaatrasan. Hindi sumusuko. Hindi sinasabing, “Hindi natin kaya ito.”
Ganyan ang halimbawa ni Leni Robredo bilang bise presidente.
May malawakang patayang inuudyukan ng presidente, sinabi niya handa siyang mamuno sa kampanya sa iligal na droga na siyang ugat ng madugong pagpapahirap sa mga komunidad ng mga mahihirap na Pilipino.
Pumutok ang pandemya, hindi na naghintay si Robredo. Kahit wala masyadong pondo ang opisina niya, kahita walang tigil ang pambabastos sa kanya ng mga alipores ni Duterte, sumulong lang siya, naglunsad ng mga kampanya para maalalayan ang mga naghihikahos dahil sa Covid. Mga simple subalit napakahalaga ang mga inatupag niyang tulong — pagkain, transportasyon, gamot.
Patuloy ang pagbabatikos sa kanya ng mga kampon ni Duterte at ni Duterte mismo. Pero sulong lang, lakad lang, trabaho lang ang bise presidente.
Tulad ni Zelensky, sumalubong si Robredo sa hamon. Tulad ng pangulo ng Ukraine, hindi inatrasan ang mga pagsubok, hindi sumuko sa harap ng matinding hamon.
Hindi sana magkaroon ng digmaan sa atin. Subalit malinaw na kung si Leni Robredo ang may kakayahang harapin ang hamong ito nang may dangal at paninindigan sa pagiging Pilipino.
Hinding hindi niya sasabihing: “E wala na tayong magagawa. Masyadong malakas iyong kabila. Sumunod na lang tayo.”
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING