Hindi lang gold medal ang napanalunan ni Hidilyn Diaz. Nagdatingan ang iba’t ibang biyaya, kasama ng milyon milyong piso, bagong condo, libreng air travel at marami pa.
At kasama nito ang mga humihirit na pulitiko at iba pa na gustong sumakay sa popularidad niya. Si Panelo, yong spokesman ni Duterte na naglabas ng report tungkol sa plot kuno laban sa amo niya, isang ulat na dumawait kay Diaz, nagbago bigla ng tono.
Si Duterte mismo, ang barumbadong pangulong garapalan kung mambastos sa kababaihan at mahihirap, ang naging inspirasyon ng malawakang patayan, biglang iba na rin ang sinasabi: “The years na hindi maganda ang nangyari in the past, just forget them. Gold is gold. It can be good for you to just let bygones be bygones and dwell solely on your victory.”
Dito lilitaw ang bagong hamon at pagsubok para kay Diaz.
Magiging matindi ang tulak na makisama siya sa uso sa panahon ni Duterte — ang makisama na lang, sumang ayon na lang, ikasa na lang ang fist sign ni Tatay Digong.
Sumunod na ang mga pulitikong dating nangangampanya sa human rights, pero ngayon ay todo todo kung sumuporta sa presidenteng garapalan ang pagyurak sa mga karapatan ng Pilipino. Sumunod na ang mga dating aktibista na noo’y lumaban para ipagtanggol ang mga inaaping Pilipino, pero ngayon ay bow na lang sa administrasyong kilala sa walang humpay na kabulastugan.
At ito ang magandang balita. Mukhang hindi ganoon si Hidilyn Diaz.
Sa mga pahayag niya matapos ang pagwagi ng gintong medalya, ginto rin ang mga pahayag ni Olympic champion.
Noong ni-redtag siya ng gobyerno ni Duterte, sinabi niya, “Sana po wag po kayong ganon na idadawit niyo ang pangalan ng isang tao na sobrang busy at sobrang sinasakripisyo ang lahat para sa Pilipinas, ginagawa ang lahat para irepresenta ang Pilipinas sa weightlifting, sa Philippine sports and suddenly ilalagay lang ang pangalan sa isang matrix na walang basehan.”
Handa nang palampasin ang lahat nang ito noong nanalo siya ng gintong medalya si Diaz. “I have to forgive all the people the binash ako,” sabi niya sa interbyu sa ANC.
“Yon din ang nagpalakas sa kin as an athlete, Mas lalo akong naging natermindado. Mas lalo kong minahal ang Pilipinas. … Napatawad ko [na].”
At mas nakakabilib pa ang mga pahayag na mas may dating, mas mahalaga sa panahong ito. Puwedeng sumakay na rin si Diaz sa mga sumasakay sa kanya. Puwedeng magpagamit sa mga makapangyarihan sa panahon ni Duterte.
Mga pahayag na napaimportante sa panahon ng isang pamumunong garapal kung mang-abuso, butangero, na handang isanla ag kapakanan at integridad ng sambayanang Pilipino.
Sa isang video, dineklara niya: “Ang iboboto ko yong pinuno na may pusong winner, hindi pusong talunan, iyong maka-diyos at makatao, hindi makasarili, iyong magbibigay ng kalinga, hindi takot. Kayo rin?”
Tungkol sa West Philippine Sea, sinabi niya sa isang forum ng FOCAP: “Gusto kong sabihin ‘atin iyon. Pero siyempre hindi ko naman puwede pakialaman ano man ang international na dispute diyan. Pero gusto kong sabihin na atin iyon.”
Sa mga pahayag niya, si Hidilyn Diaz naman ang nag-aalay ng ginto sa bayan.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING