Garapalang pambabastos ang sumalubong kay Leni Robredo noong nagsimula siya sa pagiging bise presidente.
Balikan natin nangyari bago siya maupo sa posisyon noong 2016.
Tradisyong na sabay ang inauguration ng bagong presidente at bise presidente. Pero ayaw ni Duterte. “You may be the new vice president, but I have no interest in working with you. And I don’t have to.”
Kung ibang lider, nakipag batuhan na ng putik o tameme na lang ang naging sagot ng bise presidente.
Pero hindi ganoon.
Katatapos lang ng eleksyon. Bagong halal si Duterte. Panahon niya ito. Nagsisimula pa lang siya. Walang saysay kung nakipag balitaktakan pa siya sa bagong presidente. Palampasin na lang ang pag-iinsulto. Dapat bigyan ng pagkakataong makapag simula si Duterte. Iwasan dapat ang pagiging mababaw sa simula ng bagong administrasyon.
Ang sagot niya ay disiplinado, magalang, matatag: “While we have been preparing for a joint inauguration, we respect their decision and will begin our own preparations for a simple and modest ceremony.”
Kung ibang tao ang humarap sa kinaharap VP Leni, siguradong tumiklop na agad ito. O di kaya e sumuko na lang at sumunod sa gusto ng isang pangulong butangero, ng presidenteng walang hangganan ang kabastusan.
Umasa ang marami na magbabago si Duterte. Na huhupa rin ang astang siga niya, na magiging presidente siyang may paggalang at pagpapahalaga sa posisyon, na magiging malinaw sa kanya na napakaimportante ang trabahong iniatas sa kanya ng sambayanan.
Hindi pala.
Malawakang patayan, garapalang pangungurakot, pamababalusabas at pambabastos. Ito ang naging kuwento ng pamumuno ni Duterte.
Si VP Leni ang nakatikim ng ilan sa mga matitinding hambalos.
Pinagbintangan siyang walang silbe bagamat nag organsa siya ng mga programang direktang tumutulong sa mga mamamayan, lalo na sa panahon ng pandemya.
Noong ihinatid niya ang anak niya para sa kolehiyo sa Estados Unidos, tinawag siyang basurera dahil tinulungan niya itong gamitin ang nagamit ng gamit para sa apartment — tulad nang ginagawa ng ibang estudyante at kanilang mga magulang.
Walang humpay ang pambabastos, pangiinsulto, pagmamaliit sa kanya bagamat napakalaki at napakahalaga ng tulong na inilunsad at pinamumunuan niya sa gitna ng paghihirap ng mga mamamayang Pilipino.
Hindi simple ang pagdedesisyon kung dapat siyang tumakbo sa 2022. Maaaring hindi siya magtagumpay dito at baka nga mas maipagpapatuloy niya ang pagtulong at pagsilbe sa mga mamamayan bilang isang gobernador.
Si Leni Robredo ang magpapasya.
Pero anuman ang mangyari, anuman ang maging desisyon niya, napatunayan na ni Leni Robredo na sa harap ng matinding pambabalusabas, ng walang hangganang kabastusan, nagawa niyang tumayo bilang marangal, matatag at makabuluhang lider … sa panahong gahol na gahol ang Pilipinas sa mga pinunong marangal, matatag at may malasakit sa sambayanang Pilipinas.
Visit the Kuwento page on Facebook
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING