Presidenteng mahilig sa usapang gago takot kay Gascon | Inquirer
 
 
 
 
 
 
Kuwento

Presidenteng mahilig sa usapang gago takot kay Gascon

/ 10:01 PM September 17, 2017

President Rodrigo Duterte.

CHR Chair Chito Gascon. INQUIRER FILE PHOTOS

‘Bakit mahilig magbiro tungkol sa rape si Duterte? Baka mahilig sa rape?’

Paano hindi maiisip ang magbiro nang ganoon matapos kumalat ang sinabi ni Duterte tungkol kay Chito Gascon, ang matapang at ginagalang na pinuno ng Commission on Human Rights, na masigasig na tinututulan ang walang humpay na patayan, lalo na sa mga kabataan: “You are so fixated with the death of young males, kaya nagdududa ako na pedophile kang gago ka.”

Paano seseryosohin ang presidenteng mahilig sa usapang gago. Si Duterte mismo ang nagsabi na mahilig siya sa “usapang gago.”

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Tandaan ninyo ang paliwanag niya sa pagbibiro na sana kasama siya sa nang-rape sa isang babaeng hostage noong nag-riot ang mga preso sa Davao noong 1989.

“Iyong mga gago ganoon magsalita,” paliwanag ni Duterte. Mapapanood ninyo pa ang pagmamalaki niya sa kakayanan niyang sumabak sa usapang gago.

At ngayon usapang gago na naman.

ADVERTISEMENT

Ang target: ang isa sa mga nagsisikap, sa kabila ng laksa-laksang hamon, na maitaguyod ang mga makataong karapatan ng mga Pilipino.

Aba eh kung usapang gago lang, pwede siyang resbakan: “Why are you so concerned about drugs, Mr. President, are you an addict?”

Halatang halata na di alam ni Duterte kung paano harapin ang mga nangangahas kumalaban sa kanya. Hindi siya makapalag nang matino sa mga mayroong lakas ng loob na ibunyag ang kawalanghiyaan ng Patayang Duterte.

ADVERTISEMENT

Lahat nang ito bunga ng takot.

Kasi malinaw na takot si Duterte kay Chito Gascon. Takot ang presidente sa mga tulad ni Gascon.

“Are you a pedophile?” tanong ni Digong.

Anong klaseng tanong iyan mula sa isang pangulo ng bansa?

Tanong iyan ng isang taong napupuno na nang takot. Tanong nang isang wala nang maisagot pag kaharap ang katotohanan. Tanong ng isang hindi sanay makipag usap nang matino pag nagpapakita ng katapangan ang kausap.

Nasanay kasi si Digong sa mga hindi umaangal sa pambabastos niya, sa mga hindi pumapalag sa pambubutangero niya.

Nasanay si Duterte sa mga sumasamba sa kanya, sa mga tumawag sa kanyang DigongMyLabs.

“Are you a pedophile?”

Anong klaseng tanong iyan mula sa dapat ay taga-gabay sa bayan?

Tanong ng isang wala nang maibatbat dahil mas nagiging malinaw na ang kabulastugan ng pamumuno niya.

Tanong ng tulirong pangulong alam na unti-unti nang nabibisto ang panlilinlang …

Na ang “war on drugs” na inilunsad niya ay panloloko lang pala, isang kampanyang siya mismong umamin na hindi naman talaga uobra, kampanyang walang saysay … sa kabila ng mga libu-libong patay.

Na iyong pag-aasta niyang siga at pagsabing ‘Tama na ‘yang human rights-human rights at due process-due process  na yan para masugpo ang mga kriminal,” ay papogi lang pala. Kasi pagdating sa anak niya, iba ang tono.

‘Pinagbibintangan ninyong drug dealer ang anak ko? Aba e dapat may affidavit, dapat magharap ng ebidensya, dapat may mga testigo.’

“Are you a pedophile?”

Anong klaseng tanong iyan?

Tanong ng isang duwag. Tanong ng isang hindi dapat mamuno.

Visit and Like the Kuwento page on Facebook.

On Twitter @boyingpimentel

Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING

Don't miss out on the latest news and information.
TAGS: drugs, human rights Philippines, opinion, pedophile, Rodrigo Duterte
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.




This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.