Tatlumput limang taon na ang nakalipas, matapos noong patalsikin ang diktador, matapos palayasin ang butangero.
Kaso may bagong diktador, may bagong butangero, may bagong sisigasiga. Mas malala pa kay Marcos sa maraming paraan. Balasubas ang bungaga. Walang pakundangang sa pag udyok sa malawakan at walang awang patayan. Garapalan sa pambabastos sa mga kababaihan, sa mga mahihirap, sa kahit sinong tutol sa kanya.
Tatlo’t kalahating dekada na ang nakalipas.
Babalikan na naman sa linggong ito ang tagumpay ng Pilipino laban kay Marcos, yong diktador na namuno nang dalawampu’t isang taon, ang berdugong dumugas sa kayamanan ng bansa, tinaguriang ikalawang pinaka corrupt na pinuno sa mundo.
Gugunitain na naman ang presidenteng naging hari ng kasinungalingan, naging simbolo ng korupsyon sa buong daigdig.
Para sa marami sa henerasyon, kaming tinawag na Martial Law Babies, na lumaki noong kasisimula lang ang diktadura ni Marcos, na dumaan sa panahon ng kasinungalingan at pang-aabuso, nakakapagtaka at nakakadismaya ang nagaganap.
Nagawa na namang makapanloko ang isang pinunong halatang halata namang walang pakialam sa kapakanan ng mga mamayan, na pinaliligiran ng mga alipores na mas lalo pang walang pakialam sa sinuman kundi sarili nila.
Pero popular daw si Duterte. Popular daw ang presidenteng naging inspirasyon ng malawakan at malupit na patayan, ng isang kampanyang nakatutok sa mga mahihirap at walang laban.
Popular daw ang presidenteng ganoon ganoon lang kung murahin ang kahit sino, mula mga pinuno ng ibang bansa hanggang mga dyipni drayber na nagpapahayag ng pagtutol sa isa sa mga patakaran niya: “Mahirap kayo? Putangina magtiis kayo sa gutom! Wala akong pakialam!”
Popular ang presidenteng malinaw na walang paggalang sa sundalong Pilipino, na sinabihan ang mga ipapadala sa Mindanao na: “Trabaho lang kayo. Ako na bahala. Ako na magpakulong sa inyo. Kapag naka-rape ka ng tatlo, aminin ko na akin ‘yun.”
Mas garapal pa kay Marcos na kinamuhian ng sa buong mundo. Mas balasubas pa kay Marcos na kilalang magnanakaw at mandarambong. Mas masahol pa kay Marcos na kinondena dahil sa kanyang kasakiman at kawalang hiyaan.
At ito ang tandaan natin sa linggong ito: popular din si Marcos doon. Sikat din at matagumpay sa pambobola sa sambayanan.
Pero may hangganan ang pambobola. Natigil din ang ilusyon. Natapos din ang bangungot.
Visit the Kuwento on Facebook
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING