Si Leni Robredo ang may pinakamahirap na trabaho ngayon sa Pilipinas.
Pero buti na lang na nagiging malinaw at matingkad ang mahinahong katapangan ni VP Leni.
At napakahalaga nito ngayon.
Napakaimportante sa panahong sunud-sunod ang mga dagok na humahambalos sa mga Pilipino.
Napakaimportante sa panahong sinasalanta ng Covid ang bansa.
Napakaimportante sa harap sa panahon ng matitinding bagyong sumalanta sa Bicol, Cagayan, Marikina at marami pang lugar.
At napakaimportante dahil sa kabila ng puspusang pagkayod ni Leni Robredo sa pamumuno ng pagtulong ng opisina niya at ibang mamamayan, walang humpay din ang pambabatikos at pambabastos sa kanya.
Kinakantyawan siya. Pinagbibintangan nang kung anu ano. At mismong president ng bansa ang namumuno sa pambabatikos at pambabastos sa kanya.
Sa panahong ang pinakamakapangyarihang tao sa buong kapuluan ang lantarang nang iinsulto sa kanya, kasabay ng mabilis at walang humpay na pagpapalawak ng kasinungalingan at panunudyo sa kanya sa social media — kung ibang tao si VP Leni, kung walang prinsipyong pulitiko na walang pakialam sa mga mamamayan, matagal na siyang sumuko.
Pero hindi. Sulong lang, sabak lang, trabaho lang. Patuloy lang sa pagtulong.
At patuloy na mahinahong humaharap sa mga pangiinsulto at mga kasinungalingan. Hindi nagmumura. Hindi nangiinsulto. Hindi nangungutya kahit sangkatutak na kawalanghiyaan na ang ibinabato sa kanya.
Hindi siya natitinag. Hindi nabubulabog.
May panahon noong nagsisimula pa lang si VP Leni sa kanyang posisyon, na hindi niya sinsagot ang mga atake, pinapalampas lang mga pang iinsulto na batay sa mga kainungalingan.
Mali iyon. Dapat kahit paano sumagot siya, at ang maganda ngayon ay ganoon na nga ang ginagawa niya.
Noong pinagbintangan siya ni Digong na nakikikumpentensya sa pangulo (isang napakawalang saysay na bintang) importanteng sinagot ito agad ni VP Leni.
“Hindi ako makapaniwala na ang pagtingin niya, kumpetisyon. Kasi sa akin, bakit naman ako makikikumpetisyon sa pangulo? ‘Yung buong burukrasya nasa kaniya, ‘yung lahat ng kapangyarihan, nasa kaniya. ‘Yung lahat ng resources ng gobyerno, nasa kaniya,” sabi niya sa isang pahayag.
“Kami nga outside the kulambo, sumusubok lang kami gumawa kung ano ‘yung makakaya naming gawin. Papaano ko naman mapapantayan ‘yung kakayahan ng pangulo?… Para sa akin, bakit minamasama? Ang feeling ko nga, ‘di ba mas nakakabuti na mas marami tayo?”
Walang kabastusan tulad noong nasingit sa isang briefing ni Duterte. Walang meltdown tulad noong isang pahayag ni Digong.
Hinahon lang. Katotohanan lang. Panawagan lang sa pagkakaisa sa pagtulong.
At noong matapos niyang masagot ang mga bintang at atake, balik sa trabaho si Leni Robredo.
Visit the Kuwento page on Facebook
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING