Pamana ni Rogelio Sikat | Inquirer
 
 
 
 
 
 
Kuwento

Pamana ni Rogelio Sikat

/ 10:07 AM September 01, 2020

Rogelio Sikat, manunulat 

Otsenta na dapat si Rogelio Sikat sa taong ito.

Namatay siya noong July 1997, isang buwan matapos ang kanyang ika-57 kaarawan, noong nagsisimula pa lang ang pag-usbong ng World Wide Web, bago pa isinilang Facebook, Twitter o Google.

Naging kilala siya bilang manunulat ng mga maikling kuwentong pinag-aralan ng maraming kabataang tulad ko, tungkol sa mga karaniwang mamayang pumalag sa mga butangero at pang-aapi.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Sinulat niya ang “Impeng Negro,” tungkol sa kabataang pinagtanggol ang sarili laban sa isang butangero sa komunidad. At ang “Tata Selo,” tungkol sa isang magsasakang pinaglaban ang dignidad ng kanyang anak at pamilya.

Sinulat niya ang dulang “Moses, Moses,” na nanalo ng Palanca Award, at ang nobelang “Dugo sa Bukang Liwayway.”

Sinusulat ko ito para suportahan ang panawagan na itanghal na National Artists si Roger Sikat.

ADVERTISEMENT

Dapat lang.

Napakahalaga ng naiambag niya sa sining at panitikang Pilipino. Malaki ang naging impluwensiya niya sa mga nakababatang alagad ng sining, mga manunulat, mandudula, makata at pati na mga direktor sa pelikula.

Malaki ang naging impluwensiya niya sa akin, isang peryodistang nakatira na sa Amerika, Ingles ang ginagamit sa paghahanap buhay, subalit matapat pa ring sumusulat sa Pilipino dahil sa pagtuturo at paggabay ni Roger Sikat.

ADVERTISEMENT

Naging malinaw ito noong sinimulan kong sulatin ang unang nobela ko, “Mga Gerilya sa Powell Street,” na tungkol sa mga beteranong nagtungo sa Amerika noong Dekada 90.

Kinover ko ang kuwento ng mga beterano, na maraming tiniis ang lungkot at pang-aabuso para lang makapanatili sa San Francisco at masuportahan ang mga pamilya nila.

Noong naisipan kong gawing nobela ang mga karanasan ng mga beterano, una kong sinubukang sulatin ang kuwento sa Ingles.

Pero hindi ko kinaya. Isang dahilan ay naalala ko si Roger Sikat, si Sir Sikat kung tawagin namin noon sa UP Diliman. Bumalik ang mga turo niya, ang pagpapahalaga niya sa wikang Pilipino. At maski ang mga tauhan ko, mga matatandang Pinoy na lumaban sa giyera noong panahon ng Hapon, ayaw makisama. Hindi makabuwelo ang istorya.

Noong lumipat ako sa Pilipino, saka lang nakausad ang “Mga Gerilya sa Powell Street” sa utak ko. (Nanalo ito ng National Book Award para sa fiction noong 2007 at isinadula ng Tanghalang Pilipino noong 2008.)

Naalala ko uli ito noong nabasa ko ang “Kapag Sumalupa ang Gunita,” ang memoir ni Roger Sikat na lumabas noong 2018.  Mas uso at mas tanggap ang pagsulat sa Ingles para sa maraming manunulat na Pilipino, at tinukoy ni Sir Sikat ang mga hamong kinakaharap ng mga nagpasyang magsulat sa Pilipino.

“Kung tutuusin napakaluwag ang maging manunulat sa Ingles. Ang napakahirap ay maging manunulat sa Pilipino. Walang balakid ang manunulat sa Ingles kung publikasyon ang pag uusapan. Ang problema nila’y ang kanilang wika. Huwag sabihing hindi sila natitigilan. Natitigilan sila sapagkat nag iisip din sila kung angkop ang kanilang wika. At ang ganitong sitwasyon ay nagpapatda sa kanila.”

Hindi ito totoo para sa lahat ng manunulat na mabisang nakakapagpahayag sa Ingles at ibang wika.

Pero napakalaki ng paghanga ko sa pag asa at paninindigan ni Sir Sikat sa panulat sa Pilipino.

“Kung susulat ka nang may tungkol sa lipunan, lakipan mo ito ng sining,” sabi niya sa akin sa isang sulat noong estudyante niya ako. “Huwag kang susulat dahil lamang sa uso….”

“Mas matagal at mas mahirap gawin ang sining kaysa pulitika. Nagtatagal ang sining at ang pulitika ay pansamantala.”

Noong September 1982 niya sinabi ito sa kin, sa tatlong pahinang sinulat sa kamay. Naging gabay ko sa paglalakbay ko bilang manunulat.

Gaya nang marami, inambisyon kong maging manunulat na mulat, na may paninidigan. Dito ako ginabayan ni Sir Sikat na nagturo sa akin na wag padadala lang sa uso sa pagsulat.

Galing sa pamilya ng mga magsasaka si Sir Sikat, at wala siyang bilib sa mga nagsusubok sumulat nang tungkol sa mga mahihirap nang hindi naman talaga naiintindihan ang pinagsasabi nila.

“May mga dula sa Pilipino na nanalo sa Palanca na kung ako ang hurado ay di dapat nagwagi; ang katangian lamang ng mga ito, na tumapat sa panlasa ng mga hurado, na rebolusyonaryo daw, ay pagpapakita ng mga api ng lipunan na nagrerebolusyon. Kay babaw na pamantayan sa sining!”

“Naalala ko ang mga dula noong 1970 — mga dulang pang manggagawa at pang-magsasaka na sinulat ng kapos ang kaalaman dito. Nakakasawa. … Huwag kang sumunod sa tradisyon sapagkat tradisyon. Ipahayag mo ang sarili mo; maging matapat sa sarili.”

Hindi masama ang subukang sulatin ang mga kuwento at karanasan ng mga manggagawa, mga magsasaka at mga mahihirap. Pero hindi ito madaling gawin kung hindi ka galing sa ganoong klaseng buhay.

“Hindi ko sinasabing bumaba ka. Kapag ginawa mo iyon, baka mawala ka. May kanya kanyang karanasan at pananaw ang manunulat. Hinuhubog dito bukod sa ibang bagay ng buhay na nakamulatan. Hindi ko aasahang makasusulat ka nang mabisa sa hindi mo gamay. Ipapayo ko sa iyong panatilihin mo ang sarili mo.”

Idiniin niya ang kahalagahan ng malalim at malawak na pagbabasa, at ng pag aaral ng wika at panulat.

“Importante, napaka importante sa manunulat ang kadalubhasaan sa wika. Paano makapagpipinta ang pintor kung di siya sigurado sa pahid? Bata ka pa at matututunan mo ang wika, sa pagbabasa (dagdagan mo ito, pilitin mo), sa pakikinig, sa paggamit.”

“Mag ingat ka rin sa iyong pagbabasa pagkat baka lipas na ang timpla ng wika mong makuha. … Kung minsan naiisip kong masuwerte ka at ang mga katulad mo. Wala kayong nakagapos na tradisyon na kailangang baklasin.”

Halos 40 taon ang lumipas mula noong sinulat niya ito. Pero lagi kong naaalala ang mga payo ni Rogelio Sikat, ang nobelista, kwentista, manunulat na nagturo sa aking mahalin at ipagdiwang ang wikang Pilipino, ang kuwento ng Pilipino.

“Ang pagsulat ay pagtuklas,” sabi niya sa dulo ng sulat. “Lakad ka na.”

Ang pagsulat bilang pagtuklas, bilang isang mahiwagang paglalakbay, ito ang pinakamahalaga kong natutunan kay Rogelio Sikat.

Magandang pag-isipan kung paano niya pag-iisipan, pag-uusapan at isusulat ang mga pagbabagong naganap sa Pilipinas at sa buong mundo nitong nakaraang dalawang dekada. Magandang isipin ang marami pa niyang nasulat, mga nobela, kuwento, dula tungkol sa karanasang Pilipino.

Karapat dapat lang na parangalan siya bilang isa sa mga importanteng manunulat na Pilipino sa kasaysayan natin.

Visit the Kuwento page on Facebook

Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING

MORE STORIES
Don't miss out on the latest news and information.
TAGS: Filipino novel, Filipino writers
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.




This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.