Una kong nakilala si Randy Echanis noong 1986, noong ininterbyu ko siya bilang isa sa mga political detainees na lumaya noong bumagsak ang diktadurang Marcos.
Isa rin siya sa pinakamatinding tinortyur noong panahon ng diktador. Pero hindi halata. Mahinahon siya, magalang, at malinaw kung magkuwento ng buhay niya, kung bakit siya sumama sa pakikipaglaban sa diktador at sa nangyari sa kanya sa kulungan.
“Yong description na ‘di makabasag-pinggan,’ nag-aapply ito kay Tito Randy,” sabi ng kaibigan kong si Kris Lacaba sa Facebook. “Kaya naman lalong masakit sa puso at nakakapangngitngit ang ginawa sa kanya sa loob pa mismo ng tirahan niya, araw na araw.”
Pinatay si Randy sa loob ng inuupahang bahay sa Novaliches noong isang linggo. Pinagsasaksak at mukhang binugbog. May karamdaman siya noon, noong lusubin ang bahay. 72 na si Randy na isa sa mga peace negotiators sa panig ng NDF.
Mukhang isang karaniwang krimen daw sabi ng pulis. Pero maraming hindi naniniwala. Kilala si Randy bilang aktibista sa panahong tinatarget ang mga aktibista, sa panahong patindi ang kahayupan ng bagong diktadura, ang Diktdurang Duterte.
Hindi pa nga natapos ang kahupang ito sa pagpatay kay Randy.
Nakaburol na siya at pinagluluksa ng pamilya niya, pilit pang kinumpiska ng pulis ang bangkay ni Randy. Kelangan daw ng release order.
Isipin ninyo lang ito: pinatay na nga ang isang taong may karamdaman, dinala na ng asawa niya’t pamilya para ipagluksa at magpaalam, tapos sususugurin pa ang pagluluksa niya ng mga pulis at walanghiyang aagawin ang labi ng minamahal ninyo sa buhay dahil wala daw permisong kunin ang bangkay.
Napakalinaw, napakatinding halimbawa ng kahayupan sa panahon ni Duterte, ng Diktadurang Duterte.
Nabawi rin at nabigyan ng karapatdapat na parangal si Randy na lumaban sa sari saring kahayupan noong panahon ng diktadura ni Marcos at hindi tumigil sa pakikipaglaban sa mga iba pang nagiging biktima ng kahayupan hangggang sa kasalukuyan, hanggang sa bagong diktadura.
Hindi siya tumigil makibaka kahit matanda na siya, hindi natakot humarap sa bagong hari ng kahayupan, sa pangulong naging inspirasyon ng malawang patayan, sa pinunong sa gitna ng matinding pandemya at kamatayan, e nginangatngatan pa at minumura ang mga mamamayang naghihirap.
“Sana’y makamit ang katarungan para kay Tito Randy,” sabi ni Kris Lacaba. “Sana rin ay makamit ang pinaglalaban niyang tunay na reporma sa lupa at makatarungang kapayapaan.”
Visit the Kuwento page on Facebook
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING