Pagkatapos ng lantarang patayan, pambobomba naman sa mga eskwelahan.
“Umalis kayo d’yan,” sabi ni President Duterte, ang pinunong kilala na sa buong mundo sa malawakang pamamaslang ng mga mahihirap na pinatay nang walang due process.
Ngayon, mga Lumad naman ang target.
“Sabihin ko diyan sa mga Lumad ngayon, umalis kayo d’yan. Bobombahan ko ‘yan. Isali ko ‘yang mga istraktura n’yo “I will use the Armed Forces, the Philippine Air Force. Talagang bobombahan ko ‘yang lahat ng mga ano n’yo because you’re operating illegally and you’re teaching the children to rebel against government.”
Pareho lang pala si Digong si Noynoy Aquino: akala rin niya madadaan sa pwersa, sa military operasyon ang isang suliraning, na gaya ng sinulat ko noong 2015, ay malalim ang mga ugat.
Matalagal nang malinaw: hindi madadaan sa pwersa at military operasyon. Bombahin mo sila, mas lalakas ang suporta para sa mga rebelde. Ilang dekada nang napakalinaw nito. Panahon pa ni Ferdinand Marcos, ang diktador na iniidolo ni Duterte.
Parang gusto pa ngang palalaain ni Duterte ang problema.
“Talagang bobombahin ko ‘yang lahat ng mga ano n’yo!”
Nakikita ko na lang kung paano mas nagiging madali ang pag-oorganisa ng mga rebelde sa mga lugar na gustong bombahin ni Duterte. Kung tutuusin, mas malala pa ang ginagawa ni Duterte sa mga ginawa noong panahon nina Aquino at mga naunang presidente.
Iyong ibang presidente gumamit ng mga salita tulad ng “counter-insurgency” o “peace and order offensive” para matago ang tunay na nangyayari sa mga operasyon laban sa Lumad.
Sa panahon ni Duterte, mas uso ang magaspang ng pananalita ng isang butangero.
‘Bobombahin ko kayo!’
Sanay na dito ang buong sambayanan matapos ang unang taon ni Digong:
‘Kung may kilala kayong adik, patayin ninyo.’
‘Kung mang-rape kayo, okay lang, aakuhin ko.’
Gaya ng sinabi ni Carlos Conde ng Human Rights Watch, hinihikayat ni Duterte na maging kriminal ang mga miyembro ng military ng bansa.
“By calling for an attack on schools, Duterte is directing the military to commit war crimes,” sabi niya. “Deliberately attacking civilians, including students and teachers, is also a war crime.”
“Duterte should publicly retract his threat of violence against tribal schools before the military acts on them,” sabi ng Human Rights Watch.
Dapat lang. Bawiin sana. Linawin sana sa mga sundalong dapat nagtatanggol sa mga mamamayan, na kasama sa mga dapat nilang ipagtanggol ang mga Lumad na matagal nang naiipit sa digmaan, na matagal na nagiging biktima ng mga butangero.
Visit and Like the Kuwento Facebook page.
On Twitter @boyingpimentel
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING