Sa Amerika, isang paslit na nagtatantrum ang namumuno, isang pangulong hindi pinansin ang papadating na bagyo, at noong pumutok na ito ay walang pakundangan ang sa pagsisi sa iba.
“I don’t take responsibility at all,” sabi ni Trump.
Sa Pilipinas naman, isang sisiga sigang pinuno na paninindak, pambabastos at pananakot ang kaya lang iharap sa mga mamamayang naghihirap ngayon: “Shoot them dead!”
Buga lang nang buga kahit walang katuturan ang pinagsasabi, na sa mga press con niya ay pati pag ihi niya sinasama sa usapan: “Kasi ako ‘pag nagising ng gabi, ‘pag umihi ako, hindi ako bumabalik sa kama. Deretso ako sa lounging chair at mag-isip na ako.”
Minalas tayong mga Pilipino na inabutan ng coronavirus sa Estados Unidos at sa Pilipinas. Natapat tayo sa mga walang kwenta at walang pusong pamumuno, mga presidenteng sarili lang ang iniisip.
Pero malawak na ang mundo ng Pilipino. Malawak na ang naabot ng diaspora. Sa maraming bansa sa buong mundo, pinalad ang mga Pilipino sa mga bansang may gobyernong matino, may pakialam at malasakit sa mga mamamayan.
Sa Canada, matibay at malawak na health care system di tulad sa Amerika. At mabilis ang pagharap sa krisis sa pamumuno ni Justin Trudeau.
“Sa federal level, responsive ang gobyerno,” sabi ng kaibigan kong si Bombot Polotan, isa sa mga producers ng “The Kingmaker,” ang documentary tungkol kay Imelda Marcos. “There is an effort to respond to the needs of the public.”
Tapos may isa pang mahalagang patakaran na madalas ay sadyang binabalewala sa Estados Unidos, dagdag niya: “Decisions are made based on science.”
Isa sa pinakamahusay na sumalubong sa krisis ng coronavirus ang South Korea. Mabilis at organisado ang pag-sagupa sa pandemic. Laganap ang testing, matino ang pagpapatupad ng mga patakaran.
Doon nagtuturo ang kaibigan ko si Joel David.
“Iniwasan nila yung magkaroon ng lockdown at malaks ang cooperation ng citizens at gobyerno pag may krisis,” sabi niya. “Hindi ako nakaranas ng quarantine.”
Malaking papel ng kultura at disiplina sa South Korea.
“Ang hindi alang ibang tao, iyong prescriptions tungkol sa hygiene, everyday practice lang sa Korea. Ang turing sa bahay, refuge sa dumi ng outside world. Hindi sinusuot ang sapatos sa loob, nagpapalit pag uwi, naliligo bago matulog.”
Marami ring papuri sa pamumuno ni Prime Minister Jacinta Ardern sa New Zealand.
Nagsisimula pa lang ang krisis noong nagtakda siya agad ng malinaw na mga patakaran. May mga alert levels na ipinalinawag nang malinaw sa mga mamamayan. Kaya alam nila kung bakit kailangang maghigpit dahil tumaas ang mga kaso ng virus, dahil lumalala ang krisis.
Malinaw ang mga pinatupad na patakaran, batay sa tunay na nangyayari at pangangailangan ng New Zealand.
Kaya hindi nakakagulat na ang headline sa Washington Post noong isang linggo ay: “New Zealand isn’t just Flattening the Curve. It’s Squashing it.”
“She is different from the crass leaders,” sabi ng kaibigan kong si Divina Paredes, na isang journalist sa New Zealand.
“She is able to do those things, without cussing, publicly shaming people,” sabi niya. Di kailangang magmura. Di kailangang mangwalanghiya ng ibang tao. “Nasa national lockdown ang New Zealand ngunit pinaliwanag nang mabuti ni Ardern kung bakit kailangang gawin ito.”
Pati nga sa mga bata, umalalay si Ardern. “Nagkaroon siya ng special press conference para sa mga bata upang ipaliwanag kung ano ang coronavirus at paano nila maproprotektahan ang kanilang sarili.”
Ang isa sa pinakamahalagang mensahe ni Ardern: “Be Kind. Maging mapagbigay.” Ito ang isa nag trending hashtag sa bansa.
“Ipinakita ng New Zealand kung gaano kahalaga ang magkaroon ng pinuno na may malawak na pang-unawa, may malasakit, prinsipyo at matatag na paninindigan, dama ang pulso ng mamamayan, walang diskriminasyon, mahirap man o mayaman at mabilis magdesisyon para sa kapakanan ng lahat at ng buong bansa,” sabi ni Vina.
Walang paliguy-ligoy, walang pabida, walang pambabastos tulad ng sa Amerika at sa Pilipinas.
Walang mga press con kung saan nagpapakita siya ng pagkapikon tulad ng presidenteng Amerikano.
At walang mga press con kung saan usapang gago at usapang lasing ang diskarte ng pinuno ng Pilipinas.
Minamalas tayong mga Pilipino sa Pilipinas at sa Estados Unidos. Pero buti na lang, pinalad ang mga kababayan natin sa ibang bansa.
Visit the Kuwento page on Facebook.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING