Ang marangal at makataong pamumuno ni Vico Sotto | Inquirer
 
 
 
 
 
 
Kuwento

Ang marangal at makataong pamumuno ni Vico Sotto

/ 10:23 AM March 23, 2020

Pasig City Mayor Vico Sotto. INQUIRER FILE

Mabilis na naging tanyag si Vico Sotto bilang isa mga pinakamahusay na meyor  sa bansa.

Hindi ako agad nagpapadala sa hype lalo na sa mga baguhan sa larangan ng pulitika. Pero sa krisis na ito, mas nagiging matingkad ang marangal at makataong istilo ng pamumuno ng batang meyor ng Pasig.

Bago pa man pumutok ang krisis sa coronavirus, malinaw nang iba ang diskarte ni Sotto sa pagiging pinuno, sa pagiging pulitiko.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Magandang ipagtabi ang isang ginawa ni Sotto sa isang ginawa ng isa pang meyor na naging tanyag matapos mahalal: si Isko Moreno ng Maynila.

Noong Enero, naging malaking balita ang ipinagkaloob ni Moreno sa ang isang empleyado ng Maynila, isang bahay at lupa.

Noong Pebrero, ibang klase ang naging balita tungkol sa ginawa ni Sotto para sa lampas 100 empleyado ng Pasig. Hindi siya namigay ng bahay. Hindi nagpasabog ng pera.  Walang ganoon.

ADVERTISEMENT

Sa halip e ginawa niyang permanente ang mga empleyadong lampas 20 taon nang casual workers.

Hindi pasiklab na handog. Hindi papogi. Mas malalim at pangmatagalan ang ginawa ni Sotto. Isang pagkilala sa dangal at kahalagahan ng hindi lang isang mamamayan, hindi lang ng lampas 100 empleyadong ginawa niyang permanente, kundi sa lahat ng nagsisilbe at magsisilbe sa pamahalaan ng Pasig.

Kung maging tradisyon ang bagong patakarang sinimulan ni Sotto, hinding hindi na mangyayari na kahit lampas 20 taon ka nang naninilbihan sa Pasig e casual pa rin ang trato sa yo.

ADVERTISEMENT

“Walang politika; tinitingnan lang kung kwalipikado’t maayos ang track record. Pinapatay natin ang palakasan o ‘patronage sa pamahalaan,” sabi ni Sotto sa isang blog post.

Pasikat at pasabog  ang mabigay ng pera o anupang regalo sa mga taong pinagsisilbihan ng isang meyor na parang nagyayabang: “O kita ninyo, napakabait ko, namimigay pa nga ako ng bahay at lupa.”

Tunay na pagbabago ang ginawa ni Sotto. Mas pangmatagalan, mas maraming mamamayang matutulungan. Hindi siya nagreregalo na parang Santa Claus na nagpapasabog ng biyaya. Ang hanap ni Sotto: hustisya, katarungan.

Ang mensahe ay: “Pag napakita ninyong nagsisilbi kayo sa gobyerno nang may husay at katapatan, dapat gawin kayong permanenteng empleyado.”

At di tulad ng ibang meyor at opisyal, hindi mahilig magpahiya at mangutya ng ibang tao si Sotto, lalo na ang mga mahihirap at walang kapangyarihan, kahit ang mga binagbintangang kriminal.

Wala pa akong nabalitaang press conference kung saan ipinarada niya ang mga suspek sa isang krimen, o maski ang mga nahuling ginawang krimen para ipagmalaki ito sa media. Walang gana si Sotto sa pagpapasikat, “O kita ninyo ang galing ko, nahuli ko itong mga lokong ito!” — bagamat madalas mga suspek pa lang ang mga ito at hindi nahuhusgahan sa korte.

At sa pagputok ng krisis sa coronavirus, mas lalong lumitaw ang husay ni Sotto.

Mabilis niyang pinamunuan ang pagharap sa krisis. Walang pasabog. Walang papogi. Hindi epal. Hindi ikinakabit ang pangalan niya sa mga tulong na binibigay. Dahil malinaw naman na ang mga pondo, ang mga yaman, ang mga kakayahang kelangan para kalabanin ang pandemic ay hindi galing sa kany. Galing ito sa mga mamamayan ng Pasig. Siya lang ang tagapamahala para matiyak na nagagamit ito para sa lahat ng mamamayan.

Tamang tama lang ang pagbabalanse ng dalawang pangangailangang. Kailangang makita ng mga taong nandiyan siya at namumuno. Kailangang siya ang humarap sa media. Pero hindi dapat nagpapabida, hindi ginagamit ang krisis para magpapogi, hindi sinasabing, “Wag kayong mag alala, nandito na ako. Ako ang lulutas sa problemang ito.”

Sineryoso ang mga payo ng mga experts at mga ahensyang namumuno sa paghahanap ng lunas sa pandemic.

Tapos magalang at taos puso niyang ipinaliwanag ang nangyayari sa mga mamamayan ng Pasig.

Muli, walang pasabog.

Walang drama di tulad ng mga ibang namumuno. Walang pambabastos. Walang pagmumura. Walang pasiga sigang diskarte tulad nang ‘Tanginang virus iyan. Saan ba nakatira iyan?.’

Seryoso subalit tapat.

Ang mensahe ay hindi, “Ako ang tagapagligtas ninyo. Ako ang may alam. Sumunod kayo sa akin!”

And mensahe ni Vico Sotto: “Sama sama po tayo dito. Nandito po ako para mamuno, pero kailangan magkakasama tayo sa pagharap sa krisis na ito. Kailangan pong magtulungan tayo.”

Sinsero subalit malinaw ang pag-aalala sa pinagdaraanan ng mga karaninwang mamamayan ng Pasig, at sa mas malawak pang paghamon na maaaring kaharapin ng komunidad niya.

Malinaw ito sa isang video post ni Sotto.

“Alam ko pong maraming kinakabahan, maraming nagaalala, pero malalagpasan din po natin ito,” sabi niya. “Ang pagsubok na ito ay lilipas din basta magtulungan po tayo.”

Visit the Kuwento page on Facebook.

Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING

Don't miss out on the latest news and information.
TAGS: coronavirus, covid, Philippine government
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.




This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.