May salu-salo para kay Pete Lacaba sa March 7.
Isa itong pagkakataon para magpasalamat para sa isang makata, manunulat, aktibista. Dahil maraming dahilan para magpasalamat sa kanya.
Dahil kay Pete, parang nandoon din tayo noong pumutok ang First Quarter Storm noong nag-alsa ang mga kabataan laban kay Ferdinand Marcos. Ang “Days of Disquiet, Nights of Rage” ang pinakamahusay na ulat tungkol sa First Quarter Storm.
Una kong nakilala si Pete noong nilunsad ang libro sa Heritage gallery sa Cubao. 1982 ito noon, malakas pa si Marcos, kaya pambihira ang ginawa niya na maglabas ng libro laban sa diktador.
At hindi lang niya ginawa ito sa isang libro.
Sinulat niya ang mga kilalang pelikula tungkol sa kahirapan at paniniil sa Pilipinas sa ilalim ng diktador tulad ng “Kapit sa Patalim” at Orapronobis” ni Lino Brocka at “Sister Stella L,” ni Mike De Leon.
Marami siyang sinulat na tula sa Pilipino tungkol sa buhay at pakikibaka ng karaniwang Pilipino tulad ng “Ang Mga Kagila-gilalas na Paikikipagsapalaran ni Juan de la Cruz.”
At maski sa Ingles, palaban ang pagtula ni Pete. Kitang kita ito sa “Prometheus Unbound,” na kala mo ay isang tulang Ingles tungkol sa Mars at sa kalangitan, pero may nakatago palang matinding mensahe laban sa diktadura ni Marcos.
At hindi lang hanggang sulat at pagtula si Pete.
Noong lantaran na ang pambubutangero ni Marcos, noong garapalan na ang pagwasak sa demokrasya sa Pilipinas, walang pag aatubiling sumali si Pete sa mga lumaban sa diktador. Nag UG si Pete kasama ng maraming kabataan.
Pahirapan ang buhay UG. Karamihan sa mga kasamahan niya mga teenager na galing kolehiyo. “Ang attitude namin noon e: ‘Okay medyo dehado tayo sa labang ito, pero ilalaban natin ito.”
Pinahirapan siya dahil dito. Binbugbog at tinortyur si Pete noong nahuli siya ng militar ni Marcos. Noong pinalabas na siya, nalaman niyang napatay ang kapatid niyang si Eman, na lumaban din sa diktador.
Pero sa kabila ng lahat, sa kabila ng hinagpis, ng pagpapahirap ng mga pasista, patuloy pa rin si Pete.
Sa pagsulat, sa pagtula, sa pagiging aktibista. (At dinagdag pa nga niya ang pagkanta. Pinauso ni Pete ang Salinawit, ang pagsalin sa Pilipino ng mga kilalang kanta sa Ingles.)
Nagkakilala kami noong sumali ako sa Midweek,isang maliit na magasin kung saan siya ang editor. Maliit at masaya ang grupo namin sa Midweek. Madalas kaming mag inuman sa Dabaw Inihaw sa may Morato Ave.
Kasama ng kaibigan naming si Greg Brillantes, siya ang pinaka matinik na editor na nakatrabaho ko. Si Pete ang nagturo sa aking gumamit ng Word Star word processor.
Siya rin ang dahilan kung bakit pinasya kong sulatin ang buhay ni Edgar Jopson. Kababagsak lang ni Marcos noong nagkaroon ng parangal para kay Edjop noong 1986. I-cover mo, sabi niya sa akin. At noong binanggit kong magandang gawan ng libro ang buhay niya, todo suporta si Pete. Sumulat pa siya ng introduction.
Nitong mga nakaraang taon, tumutok si Pete at ang asawa niyang si Marra, sa bagong papel, ang pagiging lola at lola sa kanilang mga apo, sina Allegra (na karga ni Pete sa litraryo) at Elias, anak nina Kris at Kit.
May karamdaman si Pete at ang salu salo ay para umalalay sa gastusin sa pagpapagaling niya.
At bilang pasasalamat sa isang manunulat na napakaraming naiambag sa bayan.
(Magaganap ang salu-salo para kay Pete sa March 7, 6 pm, sa Kamuning Bakery Cafe, 43 Judge Jimenez St, Kamuning, QC.)
Visit the Kuwento page on Facebook.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING