May dalawang layunin ang aklasan sa EDSA noong 1986. Una, patalsikin ang isang diktador. Ikalawa, tiyakin na hindi na mauulit ang nangyari sa atin sa ilalim ni Marcos, na hinding hindi na malalagay sa poder ang isang butangero, ang isang balasubas na walang paggalang sa dangal ng Pilipno.
Tagumpay ang EDSA sa una. At napakalinaw na, malaking pagkabigo sa ikalawa.
Panahon na para tanggapin na palpak ang EDSA. Oo napaaalis ang diktador kilala pa rin na isa sa pinaka-corrupt na pinuno sa mundo.
Pero sa loob lang ng 30 taon, nabaon na sa limot ang lahat ng natutunan natin sa ilalim ng diktadura ni Marcos, ang kabulastugan at kasakimang nagbigay daan sa EDSA.
Naluklok sa kapangyarihan ang pinunong naging insipirasyon ng malawakang patayan.
Nahalal ang presidenteng walang pakundangan kung mambastos ng mga kababaihan at ng mga mahihirap.
Nalagay sa pinakamataas na posisyon ang lider na handang isanla ang kinabukasan ng bansa sa Paritdo Komunista ng Tsina, na walanghiyang pinangangalandakan ang kanyang kawalan ng paggalang sa kasaysayan, sa kagitingan ng Pilipino.
Ang mas naging malinaw naman na nangyari ito dahil sa mga pinunong nauna kay Duterte, sa mga pangulong inatupag ang sarili nilang mga interes, at hinayaang umangat at maging popular ang isa na namang butangero, isa na namang diktadura na kayang bolahin ang mga taumbayan na nawalan na ng gana sa mga pulitiko, pero kaya pang linlangin ng mas masahol pang trapo.
Babalikan na naman ang nangyari sa EDSA sa linggong ito. Ika-34 anibersaryo dapat ng pagbagsak ng diktadura, ng tagumpay ng demokrasya, ng isang aklasang tumapos sa bangungot, sa labing-apat na taon ng kasakiman at pambubutangero.
Pero sa halip na pagdiriwang, mas nababagay na gamitin ang pagkakataong ito para balikan ang nangyari sa Pilipinas.
Pakpak ang EDSA at si Duterte ang pruweba.
Visit the Kuwento page on Facebook.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING