Sa Pilipinas, pag panahon ng krisis, pag maraming pinahihirapan, pag maraming pinapatay, maasahan ang mga artists, mga alagad ng sining na pumalag.
Nangyari ito noong sakop ng mga dayuhan ang bansa. At nangyari noong panahon ng diktadura ni Marcos.
At nangyayari muli ngayon sa panahon ni Duterte, sa panahon ng pambubutangero sa mga mahihirap, ng garapalang patayan.
Nitong mga nakaraang buwan sunud sunod ang mga exhibit ng mga visual artists na tumututol sa patayan sa ilalim ni Duterte, at sa pagsanla ng kasarinlan ng Pilipinas sa Partido Komunista ng Tsina.
Noong nakaraang buwan, ginanap ang “Banta sa UP.” Lampas 70 likha ng mga visual artists at performance artists mula sa Maynila, Davao, Laguna at Angono ang bahagi ng exhibit.
Pangatlong na exhibit na ito nitong mga nakaraang buwan, ayon sa kaibigan kong si Donat Alvarez, isa sa mga organizers. Nagkaroon ng exhibit sa San Beda, sa paaralang ng presidenteng naging inspirasyon ng malawakang patayan. Naganap din sa PUP, at sa UP.
Balak ding dalhin ang exhibit sa Ateneo sa darating na taon.
Ang Banta Artists Initiative ay bahagi ng mas malawak na kilusan, kasama ang Bawat Isa Mahalaga (B1M), Solidarity for Orphans and Widows (SOW), Ina ng Lupang Pangako parish, at Families for Truth Justice and Peace (FTJP).
May isang mahalagang nagbabago sa mga exhibit.
“Ang kaibahan sa dalawa ay nakipag-ugnayan na kami sa mga apektado ng war on drugs mismo at sa mga grupong sumusuporta sa kanila.”
Libu libo na ang pinatay dahil walang hiya and walang awang kampanya ni Duterte.
Dati ang mga exhibit nagmumula sa pagnanasa ng mga pintor, iskultor at iba pang alagad ng sining na magpahayag tungkol sa patayan at pambubutangero, sa pambabalahura sa mga mamamayan.
Ngayon, hindi na lang sila ang tutok ng mga exhibit. Kasama na ang mga biktima ng pambabalasubas sa panahon ni Duterte.
“Kasama na namin ang mga artista ng iba-ibang grupo na may simpatiya sa mga biktima at tutol sa nagyayaring patayan.,” sabi sa akin ni Donat.
Kasama na ang “mga apektado ng war on drugs mismo at sa mga grupong sumusuporta sa kanila. Dati inisyatiba lang talaga ng grupo. Dito kasama na namin ang mga artista ng iba-ibang grupo na may simpatiya sa mga biktima at tutol sa nagyayaring patayan.”
Kasama na sa mga exhibit ang mga likha ng mga bata mula sa mga komunidad na sinalatanta ng Patayang Duterte. Nagbibigay ng mga workshop sa mga bata “bilang suporta at parte na rin ng paghihilom” para sa mga batang naapektuhan ng madugong kampanya ni Duterte.
May mungkahi na ngang maglunsad ng mga workshop para sa mga bata sa may Caloocan “na siyang pinaka-tinamaan ng tokhang,” sabi ni Donat.
Visit the Kuwento page on Facebook.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING