Mahirap ang buhay sundalo. Sa gitna ng giyera sa Mindanao, kailangan ng tapang sa pagharap sa kaaway at paninindigan at tibay ng loob para ipakita sa mga mamamayan ng Marawi na nandoon sila bilang tagapagtanggol nila at taga-sugpo ng mga terorista.
May ibang pagtingin ang matataas na opisyal ng Philippine National Police: Balasubas na pulis na walang paggalang sa mamamayan? Sige, ipatapon na iyan sa Mindanao kasama ng mga sundalong lumalaban para ipagtanggol ang bansa.
At ganoon na nga ang plano.
Dalawang pulis ng Mandaluyong na huling huling garapal na nambubutangero ng dalawang mamamayan.
Sa video na napakahirap panoorin, walang awa na pinagbabatuta ni PO1s Jose Julius Tandog sa dalawang tao. Binastos daw siya at kasama niya, si PO1 Chito Enriquez. Si Enriquez naman bumunot ng baril at nanood lang sa pambubugbog.
“Tao lang tayo,” paliwanag ni Tandog.
Totoo, tao lang — na may malaking problema at hindi dapat maging pulis o sundalo o kahit anong posisyong tagapagtanggol ng mamamayan.
Pero sabi ng isang spokesman ito ang balak ni General Bato dela Rosa ng PNP: “To deploy him to Marawi where he can show his bravery.”
Paano kung iba ang ipakita? Paano kung ang manaig ay iyong ipinakita ni Tandog sa video? Hindi katapangan, hindi galing sa pakikipaglaban, kundi kalupitan at kawalan ng kahit konting paggalang sa mga taong ipinagtatanggol ng mga tunay na sundalo sa Mindanao.
Ganyan ganyan na lang kung bastusin ang sundalong Pilipino sa ilalim ni Duterte na siya mismong nagpakita ng mababang pagtingin sa mga tagapagtanggol ng bayan.
“Trabaho lang kayo. Ako na bahala. Ako na magpakulong sa inyo. Kapag naka-rape ka ng tatlo, aminin ko na akin ‘yun.”
Tapos ngayon, isa na namang pambabastos mula sa pamunuan ng PNP.
“This is sad,” sabi ng PNP spokesman tungkol sa kaso ng dalawang pulis sa Mandaluyong. “We are embarrassed because we have many good officers and yet there are still policemen like these who do not deserve to be in our ranks.”
Ano ang iisipin ng mga sundalong nagsasakripisyo sa Mindanao?
Kung hindi nararapat na masali sa mga hanay natin, bakit ninyo ipapadala dito kung saan mas kailangan ng matitinong tao para sa labanang ito?
Iyong commander in chief natin akala nagsundalo tayo para mang-rape. Ngayon isang heneral binabalewala lang ang pinaglalaban natin dito at ipapasama sa atin ang mga taong malinaw na walang kakayanang magtanggol sa bayan.
Visit and Like the Kuwento page on Facebook.
On Twitter @boyingpimente
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING