Limang taon pa si Duterte
Libu-libong pinatay nang walang due process. Karamihan mga mahihirap na walang laban. Digmaan sa Mindanao na tila walang katapusan, winawasak ang isang magandang syudad sa timog.
Presidenteng bara-bara kung magsalita, kahit walang saysay, kahit malinaw na maaaring mag-udyok sa mga masasamang loob na manakit, pumatay, manggahasa.
‘Pag may alam kayong adik, patayin ninyo.’ ‘Gusto ninyong mang-rape, sige lang, sagot ko kayo.’
Naka isang taon na si Duterte. Limang taon na lang. Limang taon pa. Matagal pa sa gitna ng mga patayan at kasinungalingan at kabulastugan. (At limang taon lang nga kaya?)
Sa isang sanaysay na sinulat ko noon, Sa Kabataang Di Nakatikim ng Martial Law, binalikan ko ang pinagdaanan naming lumaki sa rehimen ng diktador na si Ferdinand Marcos.
Pagtapos ng isang taon ni Duterte, malinaw na sa maraming paraan mas matindi at malupit ang buhay sa ilalim ng meyor galing Davao.
Mas marami nang pinatay nang walang awa. Garapalan ang pambabastos sa batas, sa mga grupong nagtataguyod ng karapatan, sa mga mahihirap, maski na sa mga sundalong tagapagtanggol ng bayan.
At lantaran ang pagwawalanghiya sa katotohanan. Malakanyang na mismo ang nagpapasabog ng kasinungalingan.
Iyong Justice Secretary garapal na nag iimbento ng kuwento laban sa oposisyon, at noong nabisto, nambola pa.
Si Mocha Uson, presidential assistant communications secretary, ang pinaka matingkad na simbolismo ng kawalanghiyaan sa ilalim ni Rodrigo Duterte. “I did not say that was Philippine army. I did not say that picture was taken from Marawi. It’s a symbol of army praying.”
Sa kabataang nasabak sa mundo ni Duterte, mas matindi ang kinakaharap ninyong paghamon. May mga nangyayari ngayon na hindi namin kinaharap noong panahon ni Marcos. Bunga na rin ito ng epekto ng social media at kawalan ng malinaw at matinong alternatibo sa pwersang ang istilo ng pamumuno dinadaan sa pagmumura at pag-aastang siga.
Laksa laksang kasinungalingan noong panahon ni Marcos, pero mas garapal ngayon, mas lantaran sa pambabastos.
Buti na lang, kahit paano, naikukuwento pa rin ang mga nangyayari, ang mga patayan, ang digmaan at mga sinasabi ni Duterte. Noong kainitan ng martial law ni Marcos, lahat bawal, lahat kontrolado.
Dapat magpatuloy lang ang pagkukuwento at pag uulat. At hindi lang ng media. Lahat tayo.
Nakapanlulumo na maraming tao ang hindi naniniwala sa patayang iniluwal ni Duterte. Marami sa mga kaibigan at kamag-anak ko, sa mga kilalang aktibista.
Sinasabi nilang hindi totoo ang patayang inilathala ng media sa Pilipinas at ibang bansa, tulad ng New York Times, ng United Nations, ng mga human rights group tulad ng Amnesty International at Human Rights Watch. Bola lang daw iyon.
At hindi lang iyon. Binabanatan pa nila ang mga naglalathala ng patayan na mga dilawan. ‘Yellowtard’ lahat, mula New York Times hanggang Amnesty International at Human Rights Watch.
Pero dapat patuloy lang tayo. Sa kabila ng pagbubulag-bulagan, wag dapat magsawa sa pagbubunyag ng nangyayari.
Tapang, tiyaga ang tiwala. Ito ang isang aral mula sa pakikipaglaban sa diktadura ni Marcos.
Popular din si Marcos noong simula. Madalas naming marining: ‘Balewala iyang protesta. Hindi matitinag ang suporta kay Makoy. Masyado siyang malakas.’
Pero sa tapang at tiyaga, sa matagal na pakikibaka, natapos din ang bangugot.
Magtiwala lang tayo na, sa kabila ng pinangangalandakang popularidad ni Digong, hindi tanga ang mga Pilipino, na naniniwala sila sa katarungan at kalayaan.
Visit and Like the Kuwento page on Facebook.
On Twitter @boyingpimentel
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING