Sa panahon ni Duterte, walang tigil na usapang gago
Sanay si Duterte sa usapang gago. Siya mismo ang umamin nito.
“Iyong mga gago, ganoon magsalita,” sabi niya noong lumabas ang video kung saan ginawa niyang biro ang pagkamatay ng isang Australyanong babaeng ginahasa ng mga nag-riot na preso sa Davao. (Pwedeng panoorin sa YouTube, nasa 13:48.)
Siyempre hindi lang usapang gago iyong sinabi niya matapos ang prison riot. Usapang rapist na iyan. Usapang kriminal. “Dapat mayor muna ang nauna,” sabi niya tungkol sa pag-rape sa babae.
Noong naging presidente si Duterte, pangako niya magiging “prim and proper” na siya.
“I need to control my mouth,” sabi ni Digong. “I cannot be bastos because I am representing our country. If you are the president of the country, you need to be prim and proper, almost, maging holy na ako.”
Pero maski iyon, usapang gago rin pala.
Iyong administrasyon ni Duterte, walang tigil na usapang gago.
Para tayong nasa isang salu salo, isang inuman na, tulad ng karaniwang nangyayari sa inuman, maraming usapang gago, usapang lasing. Lahat ng lumalabas sa bunganga ni Duterte at mga alipores niya, tipong maririnig mo sa inuman.
“Naku Rody nagfile ng resolution ang Iceland tungkol sa patayan dito.”
“E ano bang problema ng Iceland, ice lang.”
“Kuwela talaga itong si Digong.”
“O andito si Tito Sen. Paano na yong exclusivity rights natin sa West Philippine Sea, senator?”
“Mahirap iyan. E the fish could be coming from China.”
“Wow, lalim ni Senator.”
“O Bato paano na yong nabaril na bata.”
“Shit happens.”
“Tindi mo talaga, Bato.”
“O, Sal, paano na iyan, magiging abogada raw ni Maria Ressa si Amal Clooney.”
“They are just looking for someone to be my match.”
“Oo nga naman. Ala namang sinabi si George kay Sal.”
Sa inuman, ayos lang ang usapang gago. Ayos lang ang bidahan. Ayos lang mambola. Alang problema kung magpahangin.
Pero sa tunay na buhay, iyong usapang gago, iyong usapang lasing, sa inuman lang. Kinabukasan, seryosong usapan na uli.
Sa panahon ni Duterte, walang tigil, walang humpay, walang katapusan ang gaguhan.
Visit the Kuwento page on Facebook.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING