Sa halip na ban, ilantad ang mga Marcos sa kampus | Inquirer
 
 
 
 
 
 

Sa halip na ban, ilantad ang mga Marcos sa kampus

/ 11:34 PM April 15, 2019

Si Ferdinand Marcos ang ikalawang pinaka-corrupt na lider sa kasaysayan. Kilala sa malawakang pagnanakaw, sa walang awang pagkulong, pag-tortyur , pagpatay nang libu-libo, sa walang humpay na pambabalasubas sa Pilipino.

Dapat lang tutulan at kalabanin ang pagbibigay sa diktador at mga kaalyado nito ng kahit anong parangal, lalo na sa mga tanyag na institusyon tulad ng UP, Ateneo o La Salle.

Irene Marcos Araneta. INQUIRER FILE

Pero dapat bang i-ban ang mga Marcos at mga supporters ng diktador sa mga kampus tulad ng gustong mangyari sa Ateneo?

Hindi sa tingin ko.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Para sa isang institusyong tulad ng Ateneo na gustong pagtibayin sa mga kabataan ang paggalang sa kalayaan at mga prinsipyo ng demokrasya, mahalaga at dapat laging ipagtanggol ang malayang pamamahayag.

Ito ang isa sa mga binalasubas ni Marcos noong panahon ni diktadura. Bawal ang magsalita laban sa pamahalaan. Bawal ang magsalita laban sa kanya at kay Imelda, at sa mga kaalyado nila.

Ang pag-ban sa kahit sino para hindi sila makapagpahayag sa isang kampus, istilo ni Marcos yon. Istilo ng isang butangero. At hindi dapat ito ang ipinapakita sa mga kabataan ngayon. (Sang-ayon ako ng lubos sa sinabi ni Prof. Tony LaVina na dating dean ng Ateneo School of Government na tutol sa blacklisting.)

ADVERTISEMENT

Hayaang magsalita si Irene, Imee, Bongbong at Imelda sa harap ng mga estudyante. Dapat lang siguraduhin ding merong pagkakataong magtanong at magharap ng katotohanan tungkol sa ginawa ni Marcos sa Pilipinas.

Ibang usapin kung may parangal o opisyal na papuring igagawad sa kanila, o kung sasalubungin sila tulad ng pagsalubong ng presidente ng UP kay Imee Marcos dahil pareho silang naging miyembro ng Kabataang Barangay, ang Hitler Youth noong panahon ng diktador.

Pero kung dadalo ang isang Marcos o isang kaalyado ng diktador sa isang pagtitipon kung saan maaari silang tanungin tungkol sa diktadura, sa garapalang pagnanakaw at pambubusabos sa Pilipinas, bakit hindi.

ADVERTISEMENT

Pagkakataon itong mailinaw sa mga estudyante kung ano ang nangyari noong panahon ni Marcos. Pagkakataong ilantad ang istilong Marcos nang harap harapan, hindi lang sa laptop o cellphone, hindi lang sa mga posts sa social media.

Nagamit ng mga Marcos at pati na ni Duterte ang social media upang magpalaganap ng kasinungalingan. Dapat lang na pumalag sa mga larangang ito, pero importante rin ang ibang larangan.

Isa na dito ang mapanood ng mga kabataan kung paano sila binobola nang harap harapan ng mga lider na garapalan kung mambola.

Batay ito sa karanasan ko. Hindi ko malilimutan yong muhi na naramdaman ko noong nagsalita sa UP Diliman si Arturo Tolentino para ipagtanggol si Marcos noong 1980s.

Kitang kita naman sa kampanya ngayon na todo todo na ang kawalanghiyaan ng kampo ng mga Marcos at Duterte.

Ilang ulit na bang nagharap ng pruweba na hindi nagtatapos si Imee sa mga tanyag na unibersidad? Pero sa halip ng matinong at malinaw na sagot, puro iwas at pambobola ang hirit niya.

Tapos nariyan si Sara Duterte, anak ng pangulong naging inspirasyon ng malawakang patayan sa Pilipinas. Saan ka nakakita ng isang pinuno na ganoon ganoon lang kung sabihin na hindi naman daw talaga mahalaga ang pagsasabi ng totoo para sa isang senador.

Kung may pagkakataong ilantad ang mga ito sa harapang pagtitipon ng mga kabataan sa mga kampus, dapat sunggaban agad.

Dapat ipakita sa mga kabataang hindi nakaranas ng martial law at diktadura, na hindi dapat umatras sa pagkakataong makipag balitaktakan sa mga alagad ng diktadura at pasismo.

Hindi dapat sumunod sa halimbawa ng mga tulad sina Marcos at Duterte.

Visit the Kuwento page on Facebook.

Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING

Don't miss out on the latest news and information.
TAGS:
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.
No tags found for this post.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.




This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.