Naaalala Ko Sila Tuwing Pasko at Bagong Taon | Inquirer
 
 
 
 
 
 
Kuwento

Naaalala Ko Sila Tuwing Pasko at Bagong Taon

/ 12:13 AM December 26, 2018

Ilang taon nang pumanaw ang mga magulang ko. Lagi ko silang naaalala tuwing Pasko at Bagong Taon.

Gaya ng maraming pamilyang Pilipino, mahalaga ang panahong ito para sa amin. Gaya marahil ng maraming Pilipinong nangibambayan, mahirap ang panahong ito para sa akin.

Mas madali nang maging bahagi ng pagdiriwang sa Inang Bayan tuwing Pasko sa tulong ng teknolohiya.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Maaaring mag Facetime, Facebook Live chat, Google Hangout. Alas tres na ng umaga sa Maynila habang sinusulat ko ito. Maya-maya, pag gising na ang mga kapatid ko at pamangkin ko at nagsasalu salo na sila sa bahay namin sa Cubao, puwede nang sumali sa kuwentuhan sa Facebook.

Maski magdamagang nakatambay sa mga ito, walang problema.

Noon, hindi pwede iyon. Lolobo nang todo todo ang phone bill mo. Masyadong magastos. Ngayon wala nang problema.

ADVERTISEMENT

Subalit sa kabila nito, sa kabila ng hiwaga at biyaya ng World Wide Web, ng mga laptop at mobile phones at ng iba’t ibang pamamaraang makapiling ang pamilya kahit malayong malayo ako, iba pa rin.

Umuwi ako noong Nobyembre. Siyempre Christmas season na noon sa Pilipinas. Ang totoo, Setyembre pa lang simula na ang selebrasyon sa atin, ang pinakamahabang pagdiriwang sa mundo.

Isang kinagagalak ko noong bumisita ako ang pagbabalik ng isang masayang tradisyon ng kapaskuhan ng kabataan ko  sa Cubao.

ADVERTISEMENT

Noong bata ako, isang lagi naming hinihintay ng mga kaibigan ko ang pagbubukas ng Christmas display sa C.O.D. Isang maliit na department store ang C.O.D. na malapit sa dating Rustan’s Supermarket.

Kakaiba ang palabas. Makulay ang mga dekorasyon, masaya ang musika, nakakaaliw ang mga gumagalaw at paikot ikot na mga manikin. May mga gabing magdamag kami ng mga kababata ko sa kalye sa harap ng C.O.D., masayang pinanonood ang palabas ang paulit-ulit na pag-ikot ng mga manikin. Kumakain ng fishball or inihaw na pusit na binebenta sa kalye.

Sa mga kabataan ngayon malamang boring ang palabas na iyon. Pero para sa amin noon 1970s, mahiwaga ito, isa sa mga maligayang palatandaan ng Paskong Pilipino. May mga taong, kasama ko pa nga ang magulang ko sa panonood. Tuwang tuwa rin sina Papa at Mommy.

Terminal na ng bus ang Rustan’s. At ang C.O.D. naman, matagal nang sarado. Nalipat ang Christmas display sa Greenhills nang maraming taon.

Pero nitong nakaraang Nobyembre, sa muling pag-uwi matapos ang tatlong taon, nagbalik ang mga sumasayaw at umiikot na manikin sa Cubao. Wala nang C.O.D., pero nagbalik na ang palabas na tinatawag na Christmas On Display — C.O.D.

Nandoon kami ng pamilya ko noong opening kung saan sangkatutak ng tao sa Cubao. Maingay. Magulo, Siksikan.

Masaya.

Malungkot din dahil sa gitna ng ingay, siksikan at kasiyahan, naalala ko ang mga magulang ko. Na-miss ko bigla sina Papa at Mommy,

Huli akong nakauwi noong 2015 noong inilibing ko si Mommy. Limang taon na rin noong umuwi rin ako para ilibing si Papa. Mas matagal pa noong huling nakasama ko sila noong Pasko. 2003 noon, noong ipinagdiwang namin ang ika-limampung anibersaryo ng kasal nila.

Hindi sila nakapag-Facetime at Facebook at Google Hangout. Inabutan nila ang mga ito, pero wala nang panahon at interes para subukan ang mga ito, upang makapiling ko sila tuwing Pasko at Bagong Taon.

Pero naaalala ko pa rin sila.

Kahit malayo, kahit hanggang Facetime at Facebook at Google Hangout lang kung makipag diwang sa aking pamilya sa Cubao, naaalala ko pa rin sila.

Maligayang Pasko sa inyong lahat at Mapayapang Bagong Taon!

Visit the Kuwento page on Facebook

Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING

Don't miss out on the latest news and information.
TAGS: Christmas, Facebook, Facetime, Filipino Christmas traditions, Google, Paskong Pinoy
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.




This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.