Sa panahon ni FVR | Inquirer
 
 
 
 
 
 

Sa panahon ni FVR

10:56 AM August 02, 2022

Ang pumanaw na dating-Pangulo Fidel V. Ramos. INQUIRER FILE

Ang pumanaw na dating-Pangulo Fidel V. Ramos. INQUIRER FILE

Lumaki akong kinamumuhian at  kinatatakutan si Fidel Ramos. At malinaw ang dahilan. Si Fidel Ramos ang isa sa mga pinakamataas na opisyal ng diktadura ni Marcos. Siya ang naging pinuno ng Philippine Constabulary o PC, na naging notorious bilang isa mga pangunahing instrumento ng paniniil ng diktadura ni Marcos.

Pero nagbago ang pananaw ko kay Ramos, ang dating heneral na naging pangulo ng bansa na pumanaw na.

Noong 1986, nanindigan si Ramos.

Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our daily newsletter

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.

Hindi agad malinaw kung bayani nga siya o naipit lang sa isang rebelyon na nabisto. Pero naging malinaw na habang tinangkang agawin nina Enrile ang kapangyarihan mula sa diktador, nagpasyang sumama si Ramos sa rebelyon laban kay Marcos matapos mabisto ang coup attempt nina Enrile.

Noong panahon ni Cory, naging malaki ang papel ni Ramos sa pagtatanggol ng demokrasya, sa pagsugpo sa mga pwersang gusto ibalik ang isang sistemang lantarang mapaniil at walang paggalang sa mga karapatan ng mga Pilipino.

Noong 1992 elections, si Jovy Salonga ang binoto ko. Si Ramos ang nananalo.

ADVERTISEMENT

Natatandaan ko pa noon ang iniisip namin noon. Na magiging boring na presidente si Ramos at baka nga maging susi pa sa pagbabalik ng mga pwersa ng diktadura ni Marcos.

Pero iba ang nangyari.

Oo naging boring nga si Ramos. “Sit down president” ang tawag ng isang kakilala ko. Hindi siya exciting na speaker. Mukhang propesor ang itsura.

ADVERTISEMENT

Pero ito ang totoo: naging napakahusay na pangulo si Ramos. Masasabi pa ngaing pinakamahusay na presidente sa kasaysayan ng Pilipinas.

Nagkaroon akong mainterbyu siya noong reporter ako para sa San Francisco Chronicle noong 1990s. Ilang beses din siyang bumisita sa San Francisco Bay Area noong pumutok ang tech industry matapos lumabas at World Wide Web. Naging aktibo siya sa mga diskusyon at debate kaugnay ng climate change. Naging malaki ang papel niya sa paglulunsad ng mga peace talks at sa pagpapatibay ng relasyon ng Pilipinas sa mga kapit bansa sa Southeast Asia.

Noong 2000, inimbita ako ni Ramos sa opisina niya sa Makati. Makuwento siya  at mahilig magbiro habang pinapakita ang mga larawan at souvenirs ng panahon niya bilang presidente, kasama na ang mga meeting niya sa mga ibang pinuno ng mundo.

Kilala din siya — bunga siguro ng pagiging dating militar at West Point graduate — sa sipag at disiplina. May kakilala akong naging miyembro ng gabinete niya na nagkuwentong may panahong nagpapatawag ng pulong si Ramos nang mga alas siyete ng umaga.

May mga iskandalo noong panahon niya. Subalit kwento ng mga kaibigan kong nagcover sa kanya sa Maynila noong presidente siya na hindi tulad ng mga ibang naging pangulo, sinasagot ni Ramos ang mga bintang at iskandalo nang hindi siya napipikon at hindi nambubutangero o nang-aatake or naninindak ng mga media.

Sayang at hindi nagkaroon si Ramos ng pagkakataon na magkuwento pa at magpaliwanag sa naging papel niya noong panahon ng diktadura. Noong tinutulan niya ang desisyon na ilibing ang diktador sa Libingan ng Mga Bayani, nabalitang sinubukan ni Imee Marcos na ipa-alala ang naging papel ni Ramos sa mga pang-aabuso noong panahon ng diktadura.

Ayon sa AFP, ang sagot ni Ramos ay nagkaroon na siya ng “atonement,” ng pagbabayad-puri, noong pinamunuan niya ang mga sundalo at pulis na nagrebelde noong 1986 at sumama sa mga mamamayan sa pagpapatalsik sa diktador.

Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING

MORE STORIES
Don't miss out on the latest news and information.
TAGS: Philippine politics
For feedback, complaints, or inquiries, contact us.
Your subscription could not be saved. Please try again.
Your subscription has been successful.

Subscribe to our newsletter!

By providing an email address. I agree to the Terms of Use and acknowledge that I have read the Privacy Policy.




This is an information message

We use cookies to enhance your experience. By continuing, you agree to our use of cookies. Learn more here.