May mga bagay sa nakaraan na malamang ay nakalimutan na natin. Maaari ngang dapat nang kalimutan at ibaon sa limot.
At maraming hindi dapat malimutan dahil mahalaga ang mga aral mula rito — mga aral na gabay para sa kasalukuyan at nakaraan.
Ito ang naalala ko noong bumiyahe kami sa The Legacy Museum at National Memorial for Justice and Peace sa Montgomery, Alabama.
Paalala ang museum at memorial sa kasaysayan ng slavery sa America. Itinayo ang mga ito upang gunitain at ipaliwanag ang lampas dalawang daang taong yugto sa kuwento ng Amerika kung kailan inalipin at nilapastangan ang milyun milyong itim.
Paalala sa malawakang pagkidnap sa milyun milyong tao mula sa Africa at ang di-makataong paraan kung paano sila dila sa Amerika.
Paalala sa pagtrato sa kanila na parang hayop na basta basta lang ibinebenta.
Paalala sa daan daang taong pambabalasubas sa kanila na nagpatuloy kahit ginawa nang illegal ang slavery sa Amerika.
Noong 2018 lang itinayo ang museum at monumentong ito. Panahon iyon ni Trump, panahon na garapalang kasinungalingan at pagtanggi sa kasaysayan ng Amerika.
Panahon ng nagkaroon ng lakas ng loob ang mga racists na igiit ang baluktot nilang pagtingin sa kasaysayan ng Amerika, na hindi naman daw ganoon kasama ang naging karanasan ng mga itim at iba pang minoridad sa bansa. Matagal na ginawa ito sa South, sa mga lugar tulad ng Alabama, kung saan pinarangalan at ipinagtayo ng magagarbong monumento ang mga nagtanggol sa slavery, sa pang aalipin sa mga itim.
Lampas 100 taon na ang nakalipas mula noong ipinagbawal ang slavery sa Amerika, at lampas 50 taon matapos ang mga tagumpay ng civil rights movement kung kailan naipanalo ng Black community ang mga batayang karapatan, kasama na ang bumoto at magkaroon ng patas na karapatan sa edukasyon at iba pang larangan.
Marami nang mga ibang monumento at museo, at maraming mga libro, pelikula, dula at ibang mga likha ang lumabas tungkol sa kasaysayang ito. Naging bahagi rin ito ng pagtuturo ng kasaysayan sa maraming paaralan.
Pero hindi naging sapat. Hindi nito napigilan ang mga pagpapalaganap ng mga baluktot at mapanlinlang na pagtuturo ng nakaraan. Hindi nito napigilan ang pagpapalaganap ng mga kasinungalingan.
At maraming aral ang nangyari sa Amerika sa nangyari sa Pilipinas.
Nanalo si Bongbong dahil maraming Pilipino ang nakalimot. Dahal marami sa kanila na napaniwala sa kasinungalingan. Marami sa kanila ay naniwala sa chismis. Uso na nga ngayon ang ihirit na chismis lang naman ang nakararaan natin, na balewala lang naman ang mga aral ng kasaysayan.
Iyong mga pagnanakaw, iyong pambabalasubas, iyong panlilinlang na ng nangyari sa panahon ng diktadurang Marcos — kalimutan na lang daw. Sa kabila nang napakaraming ebidensya at testimonya at dokumente, chismis lang daw.
Sa Montgomery, Alabama, naging malinaw na ang kasaysayan, ang katotohanan ay dapat laging pinaglalaban.
Kung hindi, babaluktutin, bababuyin, buburahin ito ng mga alagad ng chismis at panlilinlang.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING