Ang tagumpay ni Bongbong ay tagumpay ng kasinungalingan.
Nanalo si Bongbong dahil napaniwala niya ang maraming tao na hindi nangyari ang madilim na yugto sa kasaysayan ng Pilipinas : ang pagnanakaw, ang pang aabuso, ang pambabalasubas noong panahon ng diktadurang Marcos.
Pero hindi tayo dapat masyadong magulat.
Ganito ang takbo ng mundo sa panahong ito — panahon ng malalaking tagumpay ng mga pwersa ng kasinungalingan.
Sa Russia, napaniwala ni Vladimir Putin ang maraming tao na wasto ang malupit na digmaan sa Ukraine dahil ang bansang iyon na pinamumunuan ng isang Hudyo ay kontrolado ng mga Nazi.
Sa Tsina, napapaniwala ng Partido Komunista sa pamamagitan nang garapalang pag kontrol sa media at social media at pati na rin sa pananakot na hindi nangyari ang patayan sa Tiananmen protests noong 1989, na hindi nangyari ang pambubutangero sa mga Uyghur.
Nakumbinse rin nga nito ang mga mamamayan na pag aari ng Tsina ang buong South China Sea. Pati nga ang kasaysayan ng Hong Kong binubura at binabago — hindi naman daw talaga napailalim ito ng Great Britain.
Sa Amerika, nitong mga nakaraang linggo, nagkaroon ng mga hearings tungkol sa riot noong January 6 sa Washington DC batay sa napakalaking kasinungalingan ng nilamon ng maraming Amerikano — na si Trump daw ang nanalo sa eleksyon noong 2020.
At merong kampanyang baguhin ang pagtuturo ng kasaysayan ng Amerika. Ang layunin: palabnawin at kung minsan ay burahin ang mga bahagi ng kasaysayan na nakakarindi, nakakagalit o nakakahiyang balikan.
‘Oo nangyari ang slavery, ang malupit na pang aalipin sa mga itim, pero hindi naman ganoon kagrabe ang trato sa kanila kaya wag nang balikan at detalyahin ang mga ito.’
‘Oo noong internment ng mga Japanese Americans, libo libo ang pinatapon sa mga kampo dahil lang sa kanilang ethnic background. Pero bakit pa kelangang isama sa mga libro na ituturo sa mga bata.’
Hindi na nakakagulat ang mga kasinungalingan ng mga puwersa ng pambubutangero.
Pero nasa panahon tayo ng garapalang panlilinlang. Nasa gitna tayo ng daluyong kung saan harap harapan ang pambabastos sa kasaysayan.
Milyon milyon ang ginastos para subukang burahin, tabunan, baluktutin ang kasaysayan natin. Nagtagumpay ang kampanya ng kasinungalingan para makabalik sa poder ang mga Marcos.
Pero marami rin aral sa kasaysayan. Paminsan minsan nagtatagumpay ang kasinungalingan at panlilinlang.
Pero ilang ulit ding napapakita ng kasaysayan na dumarating ang panahong pumapalag ang mga mamamayan at nagtatagumpay sa huli ang mga pwersa ng katotohanan at kalayaan.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING