Noong malinaw na mananalo si Bongbong, sinabi ng ate kong si Nymia Pimentel Simbulan: “Dapat hindi tumiklop ang pink movement. Dapat masustini ito at matapang na harapin ang lahat ng mga masasamang pagkilos, patakaran ng papasok na gobyerno.”
Dagdag ng chairwoman ng Philippine Human Rights Advocates or PAHRA: “Mas malaking hamon at trabaho ang kakaharapin ng human rights movement. Dapat masustini at higit pang lumakas ang kilusang nabuo.”
Mensahe mula sa isang beteranong aktibista, na teenager pa lang ay lumalaban na at ngayong magreretiro na ay palaban pa rin. Pahayag ng isa ding napahanga sa kilusang umusbong nitong nakaraang pitong buwan.
Para ito sa lahat na naging bahagi ng Kilusang Kulay Rosas na tumulong sa kampanya nina Leni Robredo at Kiko Pangilinan.
Mahirap tanggapin ang resulta. Subalit ito ang isang malinaw sa nangyari — naglunsad kayo ng isang napakagandang simula. Naitayo ninyo ang isang napakahalagang kilusan — ang Kilusang Kulay Rosas.
Nanalo si Bongbong dahil napaniwala niya ang maraming Pilipino na hindi nangyari ang alam nating nangyari — ang pagnanakaw, ang pang-aabuso, ang pambabalusabas sa bayan natin sa ilalim ng diktadura ni Ferdinand Marcos. Buong mundo alam ito.
Nanalo si Bongbong dahil paminsan-minsan sa kasaysayan ng daigdig, nagwawagi ang mga pwersa ng kasinungalingan. Nangyayari ito sa Amerika. Nangyayari sa Rusya. Nangyayari sa Tsina.
Subalit, hindi nagiging permanente ang ganitong mga tagumpay. Darating ang panahon, magigising at papalag ang mga mamamayan.
Sa kabila ng paggamit ng mga Marcos sa social media at sa yamang dinugas nila sa bayan upang magpalaganap ng kasinungalingan, kahanga hanga ang paglawak at paglakas nitong nakaraang pitong buwan ng Kilusang Kulay Rosas.
Kinulang sa panahon ang kilusan para sa eleksyong nagdaan. Subalit hindi pa tapos ang laban.
May bagong simula. Nakakasa na, nakahanda na ang isang pwersang magbabalik ng dignidad ng sambayanang Pilipino.
Isang napakalinaw sa kilusang umusbong: malaki ang papel ng kabataan. Sila ang magtutuloy ng pakikibaka. Silang magbabangon sa bayan. Sila ang mamumuno.
Paulit ulit na nating naririnig na ang kabataan ang pag-asa ng bayan. Pero totoo ito.
Karanasan ko ito. Karanasan ng marami sa henerasyon ko, ang Martial Law Babies.
Noong 1978, noong nasa tuktok ng kapangyarihan si Marcos, sumabak ang oposisyon sa eleksyon bagamat malinaw na dadayain sila.
Wala silang kalaban laban pero nakipag sagupaan pa rin sa diktadurang kilala na noon sa pambubutangero, tortyur at pandarahas. Noong April 6 ng taong iyon, naglunsad sila ng napakasayang noise barrage protest na yumanig sa buong Maynila.
Nilampaso ang oposisyon. Walang kahit isa sa kandidato nila ang nanalo sa harap ng garapalang pandaraya. At pagkatapos ng eleksyon, pinaghuhuli ang mga lider ng kampanyang Laban. Kasama dito si Sen. Lorenzo Tanada. Hindi ko makakalimutan ang litrato niya sa Newsweek, nakataas ang kamao matapos hatakin sa isang police van.
Eighty years old na noon si Ka Tanny. Thirteen years old lang ako.
Pero hindi ko nakalimutan ang kampanyang iyon.
Hindi ko nakalimutan ang tapang ng mga Pilipinong tulad ni Ka Tanny.
Hindi ko nakalimutan ang sakripisyo at dedikasyon ng mga aktibistang sumali sa kampanya, kasama na ang mga kapatid kong napilitang magtago upang ipagpatuloy ang pakikipaglaban sa rehimen.
Naunawaan ko na ang pakikibakang iyon ay pakikipaglaban para sarili kong kinabukasan. At noong huling sagupaan noong napatalsik na sa wakas ang diktador noong 1986, nandoon ako kasama ng libu-libong mga Pilipino.
Nitong nakaraang pitong buwan, maraming kabataan, mga teenager at paslit, ang naging saksi at nakilahok sa isang kilusang mahalaga para sa kinabukasan nila. Wala akong pagdududa na hindi rin nila makakalimutan ang nasaksihan nila.
Sa Kilusang Kulay Rosas, naroroon ang binhi ng pagbangon.
At sa Kilusang Kulay Rosas din, naroroon ang pagkakataong iwasto ang mga pagkakamali.
Kasama na dito ang mga malaking pagkukulang ng aming henerasyon, ang Martial Law Babies.
Dumaan kami sa panahon ng kadiliman noong diktadura ni Marcos, subalit hindi namin sapat na naipamahagi ang mga aral ng panahong iyon sa henerasyong sumunod sa amin.
Mas malinaw na ngayon na ang kalayaan at demokrasya pinagsisikapan at inaalagaan. Mahalagang bahagi nito ay ang pag aaral at pag unawa ng kasaysayan.
Sa Kilusang Kulay Rosas, may pagkakataong tayong magwasto.
Noong maliit pa ako, may madalas patugtugin ang ate kong si Nymia sa bahay namin sa Cubao. Paulit ulit niyang pinapatugtog ang 45 na plaka.
Hindi ko nakalimutan ang napakagandang mensahe ng awit na “Habilin” na kinanta ni Coritha, tungkol sa mga aral na pinamamahagi ng isang ina o nakatatandang kapatid sa bunsong anak o kapatid.
Pangarapin mo bunso
Ang isang magandang mundo
Mali ng aming panahon
Sa panahon mo iwasto
Maging matalino ka
Matutong magsala
Mga turo namin sa iyo
Di kami laging tama
Panahon mong kinagisnan
Iba sa aming nasaksihan
Kayat tayo’y nagtatalo
Huli na nang malaman
Tawag ng iyong bayan
Lagi mong dinggin
Pagiisa ay iwasan
Wala kang mararating
Bahagi ka ng mundo
Kaya’t sa iyong mga tagumpay
Kapwa mo ay idamay
Diyan kami kulang
Bukas mamanahin mo
Buti nami’t sama
Bukas malalaman
Ikaw nga ay pagasa
Kung saan kami nadapa
Doon bumangon ka
Kung ano’ng aming tama
Bukas pagtibayin pa
Hindi pa tapos ang laban. Baka nga hindi talaga matatapos.
Sapagkat ang demokrasya at kalayaan, pag hindi inaalagaan, pag hindi binabantayan, pag hindi ipinagtatanggol, nanghihina, naaagnas at madaling napagsasamantalahan ng mga pwersa ng kasinungalingan.
Doon kami nadapa. Doon tayo nadapa. At doon babangon muli sa tulong ng mga kabataang naging bahagi ng Kilusang Kulay Rosas.
At sa kilusang ito, nakikita na natin ang bagong landas, ang bagong pag asa, ang bagong simula. Dapat pagtibayin pa. Dapat isulong. Hindi bukas. Ngayon na.
Lakad na tayo.
Want stories like this delivered straight to your inbox? Stay informed. Stay ahead. Subscribe to InqMORNING